Virac, Catanduanes – Ilang araw na ipinatupad ni Msgr. Manolo delos Santos, ang Obispo ng Diocese of Virac, ang suspensiyon ng banal na misa sa loob ng Virac Cathedral kalakip ang panawagan sa lahat ng Katoliko na magsagawa ng penitensiya upang umano’y matubos mula sa dinanas na pambabastos sa paggamit ng Cathedral sa isang pageant promotion ng walalang pahintulot ng simbahan.
Sa panayam ng pahayagang ito kay Bishop Delos Santos, linggo ng gabi, November 25, 2018, nang umabot sa kanyang kaalaman ang umano’y pambabastos sa katedral na ginawa ng mga kandidata ng Mutya ng Virac.
Sa teaser video na na-upload sa internet para sa promo ng nasabing pageant, rumampa ang may labing-anim na kandidata, kasama ang reigning queen, sa mga pasilyo ng Katedral. Ginalugad ng mga kandidata ang mga iginagalang na sulok ng simbahan. Ang pagkaka-upload ng nasabing video sa internet ay nag-ani ng negatibong impresyon mula sa mga netizens mula sa iba’t-ibang panig ng mundo.
Ayon sa isang komento mula kay Joanna Bernal na isang katoliko, “It bothers me that Catholics in Catanduanes are like that. As a catholic myself, I feel disgusted that the Diocese of Virac approved this. This is not a religious activity and very disrespectful of my church.”
Amin ng Obispo, nagalit siya nang husto nang makita niya ang video. Masyado umanong sumama ang kanyang kalooban bilang pinuno ng simbahang Katolika sa probinsiya. Kaugnay nito, nagpalabas ito ng mensahe kinabukasan.
“The Cathedral was violated. The candidates of Mutya ng Virac used the aisle of the Cathedral as their catwalk for their video teaser without our permission. Let us do acts of reparation. Masses shall not be celebrated until having done act of reparation. We therefore enjoin every faithful to join us in a penitential procession.”
Samantala, agad na nagpaabot ng paumanhin sa Obispo si Virac Mayor Samuel Laynes. Ayon sa kanya, hindi niya alam ang mga schedule and activities sa preparation ng Mutya ng Virac. Ganoon pa man, bilang ito ay kabilang sa mga aktibidad ng Kaaldawan ng Virac na pinangangasiwaan ng alkalde, lubos ang paghingi ng paumanhin ni Laynes.
Sa kabilang dako, nakipagkita rin sa Obispo ang ilang kasapi ng Mutya ng Virac Organization at humingi rin ng kapatawaran. Ayon kay Bishop Delos Santos, tinanggap niya ang mga paumanhin subalit kailangang maisagawa ang penitential procession. Tinawag din umano niya ang lahat ng pari sa buong lalawigan ng Catanduanes na makiisa sa nasabing penitensiya na isinagawa noong Miyerkules ng umaga.