Si LHIO Chief Romero ang kasama sa mga nanguna sa pamamahagi ng gift packs sa mga benepisyaryo habang nagbabasa naman ng mga pangalan si MSWD Chief Malou Mabesa

San Andres, Catanduanes – Ikinatuwa at labis na nagpapasalamat ang humigit kumulang isang daan at limampung (150) mga residente mula sa siyam na barangay sa bayang ito sa isinagawang “Pasko mo Sagot Ko ng PhilHealth Bicol”.

Sa covered court ng Plaza Andres Bonifacio isinagawa ang aktibidad na tinampukan ng masayang programa sa pamamagitan ng kantahan, sayawan at mga palaro. Sa loob din ng programa isinagawa ang information campaign o pagpapaliwanag hinggil sa mga benepisyo ng PhilHealth.

Maliban sa pagkain ibinahagi rin ng PhilHealth ang noche Buena package, kung saan walang umuwing luhaan dahil sa mga papremyo sa pamamagitan ng mga palaro.

Pinangunahan ni Field Operations Division (FOD) Chief Ronald Santelices at LHIO Chief Maria Zaila Romero ang masayang programa bilang mga kinatawan ni Regional Vice Presidente Orlando D. Iñigo, Jr. na isang ring calolbonganon.
Ayon kay FOD Chief Santelices, naisakatuparanumano ang aktibidad sa pamamagitan ng pondong inilaan ng central office, kung saan, ang dapat sanang regional Christmas party para sa mga empleyado ay inilaan na lamang bilang pamaskong handog sa mga nangangailangan.

Malugod namang nagpasalamat si LHIO Chief Romero sa kooperasyon ng lokal na pamahalaan sa pamumuno ni Mayor Peter Cua kaakibat ang bagong MSWD officer at dating empleyado ng PhilHealth na si Malou Mabesa.

Sa mensahe ni Mayor Cua, pinuri nito ang pamunuan ng PhilHealth sa iniabot na munting regalo at malaki umano ang tulong nito lalo’t higit ang bayan ng San Andres pa ang napiling handugan ng pamasko. Ipinagmalaki ng alkalde ang kanyang surporta sa mga programa ng Philhealth, partikular ang tuloy-tuloy na sponsorship program sa mga walang sapat na pambayad ng premium at hindi nabigyan ng national government sa indigency program.

Hinimok nito ang mga residente, partikular ang mga walang PhilHealth na makipag-ugnayan sa kanyang tanggapan at MSWD para maisabay sa kanilang sponsorship program sa taong 2019.

PhilHealth staff kasama si Mayor Peter Cua ng San Andres at mga benepisyaryo ng pamaskong handog

Advertisement