VIRAC, CATANDUANES – Maituturing na statistically tied sina Congressman Cesar Sarmiento at gobernador Joseph Cua, batay sa Pulse Asia survey nitong buwan ng Disyembre.

Ang nasabing survey ay isinagawa noong December 5-9, 2018 mula sa hindi nabanggit na bilang ng respondents. Ibinigay sa kanila ang tanong hinggil sa opinion ng mga ito, “Kung ngayon gagawin ang eleksiyon sa Mayo 2019, at sila ang mga kandidato sa pagka-gobernador ng Catanduanes, sino ang inyong iboboto?”

Sa actual na numero, lamang si Sarmiento, kung saan, apatnapu’t walong porsyento (48%) ng mga respondents ang bomoto pabor kay Sarmiento bilang gobernador samantalang nakakuha naman ng apatnapu’t tatlong porsyento (43%) si Cua. Si Fernando Chavez na tumatakbo sa pagka-gobernador bilang Independent ay nakakuha ng point four (.4%), samantalang zero (0) sina Marlon Suplig at Rene Vega na pawang kandidato rin sa nasabing posisyon. Sa datus ng COMELEC, nag-withdraw na ng kanyang kandidatura si Vega bago pa man dumating ang November 29, 2018, ang huling araw para sa withdrawal and substitution ng mga kandidato.

Sa survery, 5% ng mga respondent ang wala pang desisyon kung sino ang ibobotong gobernador. Isang porsyento ang tumangging pangalanan ang kanilang kandidato samantalang dalawang porsyento ang nagpahayag na wala silang ibobotong gobernador para sa halalan sa susunod na taon.

Sa interpretasyon ng Pulse Asia sa score nina Sarmiento at Cua, sinabi nitong statistically tied ang dalawa dahil sa kakaunting agwat lamang ng numero.

Samantala, nagkibit-balikat lamang ang kampo ni Cua sa nasabing survey. Ayon kay San Andres Mayor Peter Cua at nakababatang kapatid ni Gov. Joseph Cua, hindi umano sila naniniwala sa survey dahil maraming nanguna sa survey mula sa mga nakaraang eleksiyon na talo pagdating sa totoong araw ng bilangan.

“It doesn’t matter kahit 20% pa ang nakuha ni Gov,” ayon sa kanya. “Ang importante ay hindi kami humihinto sa pagtatrabaho upang maipaalam sa tao kung sino talaga ang karapatdapat.”

Sa kabilang dako, nag-ani naman ng kritisismo mula sa ilang local political analysts ang lumabas na survey. Mahirap umanong paniwalaan na sa ngayon kaaga ay decided na halos ang lahat kung sino ang kanilang iboboto bilang gobernador.

Hindi naman nagbigay ng komento si Sarmiento tungkol sa nilalaman ng survey.

Advertisement