SAN ANDRES, CATANDUANES – Kasunod ng deklarasyon ng outbreak noong nakaraang linggo ng Epidemiology Bureau, idineklara ng Sangguniang Bayan ng San Andres ang “state of calamity” sa buong bayan dahil sa mataas na kaso ng dengue.

Ang hakbang ay batay sa panukala ni  Konsehal Allan Del valle na sinuportahan naman ng buong Sangguniang Bayan members.

Unang inihain ni PCL at Ex-officio member Del valle ang panukala sa Sangguniang Panlalawigan ng Catanduanes, subalit dahil sa pagkakahati sa opinion ng mga miyembro ng SP, kung kaya’t hindi nakalusot ang naturang hakbang.

Matatandaang, sa Memorandum na ipinadala ng Epidemiology Bureau kay Acting Governor Shirley A. Abundo noong Augosto 2, 2019 at  Hulyo 16 nang unang makatanggap ang DOH ng clustering of dengue cases sa barangay ng Tominawog. Noong Hulyo 22, muling pumasok ang ulat tungkol sa dengue clustering mula sa mga barangay ng Esperanza at Mayngaway.

Nitong Hulyo 29, ipinadala ng DOH sa lalawigan sa pamamagitan ng Field Epidemiology Training Program Team upang  beripikahin ang mga datos na pumasok sa DOH; ikalawa, tingnan kung may existence ng outbreak; ikatlo, suriin ang mga dahilan ng pagkalat; ikaapat, idetermina ang panganib na maaring idulot sa mga apektadong lugar; at ikalima, ano ang mga maaring gawin upang makontrol ang dengue.

Sa pagtungo ng Epidemiology Team sa lalawigan, hindi lamang ang mga nabanggit na barangay ang muling sinuri, gayundin ang iba pang barangay kagaya ng Carangag at Alibuag. At batay sa hospital records, umabot sa 139 ang kaso ng dengue sa San Andres mula Abril hanggang Hulyo 7, 2019. Ngunit batay sa pinakahuling talaan ng mga kaso ng dengue, umabot na ang bilang sa 365 noong HUlyo 29, 2019.

Kaugnay ng naturang mga datos, kumbinsido ang Epidemiology Team na may outbreak ng dengue sa bayan ng San Andres at inirekomenda nila sa otoridad ang kanya-kanyang tungkulin sa management and control ng nasabing sakit.

Sa mga barangay officials, ayon sa Epidemiology Team, ipagpatuloy ang information dissemination, magtatag ng lingguhang programa para isakatuparan ang 4s strategy at magtalaga ng lider upang matiyak na ginagawa ng mga residente ang 4s strategy at ang 4 O’clock habit.

Sa mga paaralan, ayon sa Epidemilogy, huwag umanong tantanan ang kampanya upang maunawaan ang dengue, tambakan ng lupa ang lahat ng swampy na lugar na maaring maistakan ng tubig, magtatag ng Material Recovery Facilities na walang maiipong tubig, paigtingin ang pagpapatupad ng 4s strategy sa campus at humiling ng mga insecticide sa kinauukulan.

Sa Municipal Health Office, ayon sa Epidemiology Team, mag-issue umano ng Municipal Ordinance para sa maigting na pagpapatupad ng 4s strategy, turuan ang mga residente para sa tamang pagsira ng mga breeding places ng lamok, magtatag ng regular na analysis of disease surveillance data, ipagpatuloy ang pagbibigay ng ulat tungkol sa mga dengue cases, ipagpatuloy ang epidemiological survey sa mga barangay at paaralan at ipatupad ang sabayang spraying and fogging activities.

Sa Provincial Health Office, ayon sa Epidemiology Team, magsagawa ng kautusan tungkol sa 4s strategy kagaya ng regular na kokeksiyon ng basura, pagtatag ng MRF sa komunidad at eskuwelahan, pagsagawa ng regular na clean-up drive, pagtatag ng multi-sectoral task force na siyang mangangasiwa sa implementasyon at bigyan ng penalidad ang sinumang lalabag sa bubuuing kautusan.

Kaugnay sa deklarasyon ng state of calamity sa San Andres, binigyang basbas ng Sanggunian si Mayor Peter Cua na gamitin ang bahagi ng calamity fund bilang quick response fund upang matugunan ang mga pangangailangan ng munisipyo na masugpo ang dengue. Ang nasabing deklarasyon ay mula sa mungkahi ni PCL Interim President at San Andres Councilor Alan del Valle.Samantala, as of July 29, 2019, halos isang libo na ang mga kaso ng dengue sa buong lalawigan ng Catanduanes. Batay sa statistics, ang Bagamanoc ay mayroong 17 cases, Baras 13, Bato 59, Caramoran 86, Gigmoto 20, Pandan 13, Panganiban 14, San Andres 365, San Miguel 23, Viga 111 at Virac 272. Sa kabuuan, umaabot sa 994 cases.

Advertisement