Bato, Catanduanes – Inabsuwelto ng Regional Trial Court (RTC) sa lalawigan ng Catanduanes ang kasalukuyang bise alkalde ng Bato sa kasong isinampa ng asawa ng dating alkalde sa bayang ito.

                Ito ang kinumpirma ni Bise alkalde Roy Regalado sa panayam ng Bicol Peryodiko.

                Matatandaang, unang pinaburan ng Municipal Trial Court (MTC Bato) ang kasong isinampa ni Mrs. Merlinda Rodriguez, asawa ng dating alkalde Eulogio Rodriguez nang magkaroon ng palitan ng maaanghang na pananalita ang magkabilang panig noong Oktubre 2018.

            Ayon sa bise alkalde, inapela nya ang naturang kaso sa RTC dahil alam niyang hindi karapat-dapat ang ibinaba ng MTC laban sa kanya. Merong 6 months imprisonment at pagbayad ng halagang 5,000 pesos ang karampatang parusa sa kasong grave oral defamation na ikinaso sa kanya ni Mrs. Rodriguez na pinawalang bisa naman  ng RTC nitong Agosto 2019.

            Matatandaang halos buong termino ng Rodriguez administration, hindi nagkaroon ng harmonious na relasyon ang tanggapan nina dating Mayor Rodriguez at Vice Mayor Regalado. Ayon kay Regalado, punot dulo ng bangayan ay ang ilang anomaly at hindi magandang pamamalakad ng dating alkalde.

            Paliwanag ng opisyal, bilang kinatawan ng mga Batonhon, nais niya lamang protektahan ang mga maling proseso at irregularidad na ginagawa ng dating alkalde, kung kaya’t naging sentro ng kanyang pagbatikos ang nakalipas na administrasyon.

            Samantala, kung naging mainit umano siya laban sa dating alkalde, subalit sa administrasyon ni Mayor Johnny Rodulfo, relaks umano siya ngayon dahil, alam niyang hindi gagayahin ng alkalde ang nakalipas na administrasyon.

            Paglilinaw ng bise alkalde, sa kabila ng pagiging magka-alyado nila ni Mayor Rodulfo, nandiyan umano siya at ang kanyang mga kasamahan sa Sangguniang upang ituwid kung meron mang mangyayaring hindi magandang pamamalakad ng kasalukuyang alkalde.

            Naniniwala si Regalado na maganda ang pakay ng alkalde at inaasahan nilang magiging malaki ang pagbabago sa bayan ng Bato para maisulong ang mga programa na mag-aangat sa kabuhayan ng mga mamamayan. ( Ulat ni Joseph T. Tanteo)

Advertisement