VIRAC, CATANDUANES – Hiniling ni Acting Vice Governor Lorenzo Templonuevo kay Senador Bong Go na maitatag ang isang Malasakit Center sa loob mismo ng Eastern Bicol Medical Center (EBMC).
Batay sa resolusyon na inihain ng pinuno ng Sangguniang Panlalawigan, ang pagkakaroon umano ng Malasakit Center sa loob ng nasabing pagamutan ang siyang tutugon sa mga pangangailangang medical at pinansiyal ng mga maralitang pasyente ng nasabing ospital.
Ang Malasakit Center ay isang one-stop shop na maaring matakbuhan ng mga nangangailangang pasyente sakaling wala silang pambili ng gamut o kaya ay pambayad sa ospital.
Ang mga kawani ng nasabing Center ang mamamahala sa proseso upang ang isang nangangailangang pasyente ay magkaroon ng agarang ayuda mula sa iba’t-ibang sangay ng pamahalaan kagaya ng PCSO at DSWD.
Ibig sabihin, hindi na kailangang manghingi ng tulong ang kaanak ng pasyente dahil ang kanilang kakulangan ay tutugunan ng Malasakit Center. Ayon kay Templonuevo, naisumite na sa tanggapan ni Sen. Bong Go at malakas ang kanyang paniniwala na hindi ito tatanggihan ng senador.