VIRAC, CATANDUANES – Pinasinayaan nitong Nobyembre 26 ang pinakaunang Botika ng Bayan sa Virac. Isa sa mga layunin ng botika ay upang makapagbigay ng libreng gamot para sa mga kapos na residente.
Pinangunahan ni Virac Mayor Sinforoso Sarmiento ang pagbubukas ng nasabing pasilidad na umaakma sa kanyang layuning maiangat ang kapakanan ng mga maliliit na mga kababayan.
Ayon kay Virac Municipal Health Officer Dr. Elva Joson, wala umanong pipiliin sa magiging serbisyo ang Botika ng Bayan, ngunit ipinaalala niya na ang mga maralita ang prayoridad para sa libreng gamot. Bukas umano ito simula alas 8 hanggang alas 5 ng hapon para sa mga Viracnon na siyang pangunahing target na matulungan ng naturang botika.
Dagdag ni Dr. Joson, kailangan lamang umanong ipresenta ang reseta ng sinumang nangangailangan at kapag available ang kailangang gamot ay siguradong mabibigyan ito.
Naisakatuparan ang naturang proyekto sa pamamagitan ng Department of Health at ng lokal na pamahalaan ng Virac na nagkaroon ng memorandum of agreement para sa operasyon ng naturang botika.
Pagtatapos ni Joson, libre umano ang mga gamot at mapaparusahan ang sinumang magbebenta nito. (ULAT NI JAMES PATRICK MALBAROSA)