VIRAC, CATANDUANES – Masidhi ang naging panawagan ng isang rebel returnee sa mga dating kasamahan sa kilusan na tularan ang kanyang ginawang desisyon at magbalik-loob sa pamahalaan.
Sa pakikiisa ng lalawigan ng Catanduanes sa nationwide simultaneous indignation rally noong Dec. 26, 2019 bilang pagsupla sa 50th anniversary ng CPP-NPA-NDF, iniharap nila sa publiko ang dating miyembro ng nasabing rebeldeng grupong NPA.
Nagpakilala ang returnee bilang si Ka Ruffa kung saan isinalaysay niya kung papano siya naengganyo na sumapi sa nasabing kilusan. “Pinangakuan ako na magkakaroon ng magandang buhay. Pag-aaralin nila ang aking mga anak.”
Ngunit ayon sa kanya, isa man sa mga ipinangako ng kilusan ay hindi natupad, bagkus, sa loob ng walong taon ng hindi niya maintindihang pakikibaka ay nagging miserable umano ang kanyang buhay at sahol ang kanyang nagging paghihirap.
Kaya ipinasya niyang talikdan ang kilusan at magbalik-loob sa pamahalaan. Tinanggap ni Ka Ruffa ang mga benepisyo na ipinangako ng gobyerno para sa mga kagaya niya. At habang nasa proseso siya ng pag-akma ng sarili sa komunidad, kasalukuyan siyang nasa poder ng Philippine Army kung saan may tinatanggap din umano siyang honorarium.
Ayon kay Ka Ruffa, “Hindi ang kilusan ang ating kailangan upang umangat sa buhay, kundi ang ayuda ng pamahalaan. Alam kong marami pa akong dating kasama sa kilusan na nabubulagan kaya nakikiusap akong magbalik-loob na rin sila.”
Hindi lamang pagkontra sa anibersaryo ng CPP-NPA-NDF ang dahilan ng indignation rally, kundi maging ang pagkondena ng uniformed personnel maging ng mga sibilyan sa nangyaring mga pag-atake ilang oras makalipas magdeklara ng tigil-putukan ang gobyerno upang bigyang-daan ang isang tahimik at masayang paggunita ng Pasko. Ilang sundalo ang nasawi sa nasabing pagtataksil ng mga rebelde sa kasunduan mula sa iba’t-ibang panig ng Pilipinas.
Bago umikot sa Virac población ang indignation rally, nagpalipad muna ng mga pulang lobo ang uniformed personnel at sinunog nila ang effigy ni Joma Sison, ang founder ng mga rebeldeng grupo.
Panauhin sa nasabing okasyon sina Acting Governor Shirley A. Abundo, Virac Mayor Sinforoso Sarmiento, Virac Vice Mayor Arlynn Arcilla at DILG Willy Aldea. Bawat isa sa kanila ay nanawagan para sa kapayapaan.