GIGMOTO, CATANDUANES – Isang 61 years old na magsasaka ang walang awang pinagtataga noong Disyembre 23 ng banggi sa barangay San Pedro sa bayang ito.
Ayon kay Arnel Duluquena, anak ng nasabing magsasaka, hindi umano nakauwi mula sa bukid ang kanyang ama na si Romeo Duluquena dahil umano sa iniindang sakit sa paa kaya nagpasya umano itong manatili sa kanilang bahay kubo ‘payag’ sa bukid.
Kinabukasan, December 24, nagtungo umano sa bukid ang misis ng biktima na si Gloria Duluquena upang hatiran ng pagkain ang mister, ngunit nagimbal umano ito sa tagpo na inabutan.
Ayon kay Arnel, nagtamo umano ng hindi bababa sa 32 saksak ang kanyang ama na tumama sa iba’t-ibang panig ng katawan nito. Sa dami ng tama, halos lumabas din ang mga bituka ng nasabing senior citizen.
Kaugnay nito, masidhi ang panawagan ni Arnel na matulungan silang makamit ang hustisya sa karumal-dumal na pagkakapaslang sa kanyang ama. Wala umanong kaaway ang matanda niyang ama kaya hindi umano niya maisip ang posibleng motibo sa nasabing krimen.
Sa panayam ng Bicol Peryodiko kay Gigmoto Mayor Vicente Tayam, masyado umanong malayo sa pamayanan ang nasabing bukid kaya’t mahirap makakuha ng saksi na maaring makapagturo sa salarin. Ganoon pa man, mahigpit umano ang kanyang pakiusap sa Gigmoto Police na gawin ang lahat para sa ikalulutas ng nasabing kaso.
Samantala, wala pang ibinibigay na pahayag ang kapulisan ng Gigmoto kaugnay sa isinasagawang imbestigasyon.