SAN ANDRES, CATANDUANES – Hindi na binalikan pa ng ina ang isang lalaking sanggol matapos itong maipanganak sa Juan M. Alberto Memorial Hospital noong nakaraang linggo.
Batay sa impormasyon, unang araw umano ng Enero nang manganak sa nasabing pagamutan ang isang ina na nagpakilalang Ruby Tarroquin na umano’y residente ng barangay Lictin. Isang lalaki at malusog na sanggol ang iniluwal ng nasabing ina.
Ngunit kinabukasan, ipinakibilin umano ni Ruby sa roommate na bagong panganak din ang baby. Lumipas ang ilang oras ngunit hindi na bumalik si Ruby at napilitan ang pinagbilinang ina na padedehin ang baby.
Ayon sa pinagbilinan, hindi umano nito inakalang aabandonahin ng ina ang baby. Ang akala umano nito ay bibili lamang ng gamit o makakain sa labas ng pagamutan ang nanay pero tuluyan na ngang hindi bumalik.
Pinasuyod ng JMAH ang barangay ng Lictin ngunit batay sa salaysay ng barangay officials, wala umano silang residente na may ganoong pangalan.
Dahil dito, nakumbinsi ang JMAH na biktima nga ng abandonment ang bata na tinawag nila sa pangalang Renz. Kaya nagpasya ang pagamutan na i-turn-over sa pangangasiwa ng DSWD ang nasabing New Year’s baby.