PANDAN, CATANDUANES – Timbog ang isang dating Punong Barangay at drug surrenderer sa buy-bust operation na isinagawa ng PNP sa Barangay ng Oga sa bayang ito.
Ayon kay Pandan Chief of Police PLt. Roderick Bino, ang operasyon ang naganap mag-iikasiyam ng umaga noong Enero 28 sa barangay ng Oga laban sa suspek na kinilalang si Alexander Lopez na dating Punong Barangay ng Canlubi ng nasabing bayan. Hindi bababa sa 38 pakete ng hinihinalang ipinagbabawal na droga at isang kalibre ng baril ang nakumpiska ng pulisya mula sa suspek.
Maliban sa buy-bust drug items, nakuha pa mula sa suspek ang 37 pakete ng hinihinalang droga nang isagawa ang body search, at isang .38 firearm na nakuha naman mula sa asul na bag na sukbit din ng nasabing dating kapitan.
Ayon sa impormasyon, si Lopez ay kasama sa priority target ng PNP-Catanduanes at isa umano ito sa Top 10 illegal drug personality ng lalawigan batay sa recalibrated listings.
Sa labing-walong barangay ng Pandan, pito pa lamang umano ang deklaradong drug-cleared barangay, at ayon sa hepe ng pulisya, patuloy ang isinasagawa nilang monitoring at operasyon upang maideklara ring drug-cleared ang labing-isa pang mga barangay sa naturang lugar. (RAMIL SOLIVERES)