VIRAC, CATANDUANES – Dalawa katao ang inaresto ng pulisya sa magkahiwalay na insidente dahil sa illegal na droga.
Sa blotter report, isang manggagawa ng barangay Danicop ang inaresto ng pulisya sa isang matagumpay na buy-bust operation, samantalang isa namang menor de edad na senior high school student ang nakuhanan ng hinihinalang Marijuana sa loob ng school campus.
Ayon sa ulat ng PNP, mag-iikalawa ng hapon noong Enero 28, 2020 nang maganap ang bentahan ng droga sa pagitan ng isang police poseur buyer at suspek na si Prince Gianan, 34 years old, binata at residente ng nasabing barangay.
Ang nasabing operasyon ay nangyari sa tapat ng Virac Central Elementary School na sakop ng Barangay Gogon Sirangan.
Maliban sa buybust drug item, isa pang pakete ang nakuha mula sa suspek sa pamamagitan ng body search. Ipinagharap na ng kaukulang kaso ang nasabing obrero sa pamamagitan ng inquest case proceedings.
Sa hiwalay na insidente, isang 17-year old at Senior High School student ng isang pribadong paaralan dito sa Virac ang isinumite naman sa pangangasiwa ng Municipal Social Worker matapos umano itong makuhanan ng marijuana sa loob mismo ng campus.
Bagaman tumanggi ang tanggapan ng PNP-Virac WCPD na magbigay ng detalye, sinasabing janitor ng nasabing private school ang umano’y nakakuha ng nasabing kontrabando mula sa estudyante. (RAMIL SOLIVERES)