VIRAC, CATANDUANES – Nakikipagkarera sa Top 20 Fan Favorite ang pambato ng Catanduanes para sa  kauna-unahang Miss Universe Philippines pageant na gaganapin sa buwan ng Mayo.

                Si Sigrid Grace Flores ay isang Mass Communication graduate sa Central Philippine University at Political Science sa Philippines University sa Visayas.  Ipinanganak siya sa Cavite at lumaki sa lalawigan ng Catanduanes at Iloilo at  panganay sa tatlong magkakapatid. Ang kanyang ina na si Juliette Flores ay isang arkitekto at ang kanyang ama ay isang enhenyero.

                Kamakailan, ginulat ni Sigrid ang kanyang mga kanayon mula sa Brgy ng Maculiw sa bayan ng Panganiban kung saan nagkaroon siya ng pagkakataon na makihalubilo sa kanyang mga kaanak. Puspusan din ang ginagawang public appearance ni Sigrid sa Catanduanes upang himukin ang kanyang mga kababayan na suportahan siya bilang kinatawan ng lalawigan.

                Sa Miss Bicolandia noong 2017, itinanghal siya bilang  4th Runner-Up. Habang nagta-trabaho ang dalaga bilang motivational speaker para sa kanyang adbokasiya sa mental health issues. Regular ang ginagawa niyang pagbisita sa mga hospital, gayundin feeding programs para sa mga maralita. Naturingan siyang isang missionary/philantropist at  co-founder ng sons and daughters noong 2013.

            Sa isinagawang online survey ng Brixton Herlione  noong February 21 pumapasok ang Catandungena sa top 20  mula sa 52 candidates. Samantala, tatlo pang Bicolana ang pumapasok sa runner-up na sina Miss Albay, Miss Sorsogon at Miss Camarines Sur.

                Ngunit sa Top 10 Fan Vote Leadboards na inilabas ng Brixton Herlione noong February 23, wala na ang pangalan ni Sigrid, subalit pumapalo din ang mga kapwa bicolana na sina  sina Miss Albay at Miss Sorsogon.

                Sa survey na patuloy na isinasagawa ng nasabing organisasyon, nangunguna si Miss Bohol na may 22.74%, Miss Davao City na may `17.23%, Miss Biliran na may 15.32%, Miss Taguig na may 14.66% at Miss Quezon City na may 11.93%.

                Sa kabila ng online trending ng Brixton Herlione, hindi naaapektuhan si Sigrid. Ayon sa kanya, ang totoong kompetisyon ay sa gabi ng parangal kung kailan kailangan niya umanong ibuhos ang lahat ng kanyang makakaya para sa korona.

                Iba-ibang ensayo ang kasalukuyang ginagawa ni Sigrid bilang paghahanda para sa Miss Universe Philippines. Masasabing sanay na siya sa mga kahalintulad na beauty pageants matapos  lumahok na ito  sa Miss Bicolandia at Binibining Pilipinas. Inamin ng 25-year old na dalaga na higit kailan, ngayon niya umano dapat ihanda ang kanyang sarili lalo pa’t ito ang pinakaunang titulo para sa bagong organizer.  (RAMIL SOLIVERES/ROBERT TAVERA)

Advertisement