VIRAC, CATANDUANES – Isinusulong sa Sangguniang Panlalawigan (SP) ng Catanduanes ang isang panukala na naglalayong hilingin kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte na huwag nang isama ang lalawigan sa Extended Enhanced Community Quarantine (ECQ) na ipinapatupad sa buong Luzon dahil sa Covid-19.
Sa isang privilege speech ni Provincial Councilor’s League (PCL) President at Ex-Officio Member Alan del Valle, sinabi nitong wala nang dahilan upang palawigin pa sa lalawigan ang extention ng ECQ.
Ayon sa kanya, simula umano Marso 16 nang unang ipatupad ang ECQ ay naging masunurin ang mamamayan ng lalawigan sa mga ipinapatupad na batas mula sa DILG at maging sa Inter-Agency Task Force (IATF).
“For that matter, Catanduanes remains zero in terms of Covid-19 death, zero Person Under Investigation (PUI), and a handful of Persons Under Monitoring (PUM),” bahagi ng resolusyong inihain ni Del Valle.
Sa halip, hiniling ng bokal na isailalim na lamang ang buong lalawigan sa isang Modified Lockdown. Ibig sabihin, manunumbalik sa normal na operasyon ang mga negosyo, gayundin ang mga hanapbuhay ng mamamayan na nahinto dahil sa pinaiiral na ECQ. Sa ganitong paraan umano, ayon kay Del Valle, maghihilom ang paralisadong ekonomiya ng lalawigan.
Ganoon pa man, ipinaliwanag ng bokal sa kanyang panukala na magpapatuloy ang pagsasara ng borders para sa mga gustong pumasok at itataguyod pa rin ang social distancing at ang mandatory na pagsusuot ng face masks.
Samantala, nag-ani ng negatibong impresyon mula sa mga netizen at health leaders sa buong lalawigan ang panukala ni Del Valle.
Una nang nagpahayag ng hindi pagsang-ayon si Provincial Health Officer Dr. Hazel Palmes. Ayon sa kanya, mahirap ipagsapalaran ang kapakanan ng bayan, lalo pa’t patuloy umanong maraming pumupuslit papasok ng Catanduanes, ganoon din ang kakulangan sa disiplina ng mamamayan maging ngayong nasa ilalim ng Extended ECQ.
Binanggit din ni Palmes ang admitted PUIs sa EBMC, at batay sa pinakahuling report ng PCC Monitoring on Covid-19 na isinumite sa Catanduanes IATF noong April 14, 2020, mayroon pa ring naitatalang PUIs ang mga Local Government Units sa lalawigan. As of April 14, 2020 sa consolidated LGU reports, mayroon pa ang Catanduanes ng 49 PUIs at 164 na PUM.
Dahil dito, karamihan sa mga Municipal Health Officers ay hindi rin pumabor sa panukala ni Del Valle. Ayon sa kanila, sa dami pa rin ng PUI at pito pa lamang sa mga ito ang nati-test, mahirap umano ang magbakasakali.
Sa kabilang dako, inilatag naman ni EBMC Chief Dr. Vietrez Abella ang mga kondisyon na kailangang konsiderahin sakaling kumalas ang lalawigan sa extended ECQ.
“We should have a good system on tracking all in-bound people, a well-prepared quarantine facility with designated personnel, supplies and other logistics, a facility where Covid suspects with mild symptoms may be housed for the duration of their required stay, testing of said Covid suspects, and full logistical support for the proposed Covid hospital. Without the above, para tayong pumulot ng bomba at hintayin kung ito ay sasabog,” ayon kay Abella.Pero giit ni Del Valle, ang kanyang hakbang ay isa lamang umanong panukala. Ito ay bubusisiin ng IATF bago makarating sa Presidente.