Caramoran, Catanduanes – Makalipas ng tatlo (3) hanggang apat (4) na buwan na COVID free ang bayan ng Caramoran, naitala nitong Hulyo 30 ang pinakaunang kaso ng COVID-19.
Batay sa tracker ng Department of Health (DOH), ito ay pinangalanang Bicol Patient #424 ng Barangay Dariao, 21 taong gulang, isang LSI at Security Guard na nagtrabaho sa Las Piñas.
Ayon kay Mayor Glenda Aguilar, dumating ang pasyente mula sa Las Piñas noong Hulyo 20, 2020 via Tabaco-San Andres port at nakauwi ito sa pamamagitan ng private vehicle. Nakaranas umano ng sintomas noong Hulyo 22 at makalipas ang limang araw, nakaranas ito ng matinding sipon habang naka-quarantine sa kanilang barangay.
Kaugnay nito, naka-isolate na sa isolation facility sa poblacion ng bayang ito ang pasyente habang nagsasagawa ng contact tracing sa mga nakasalamuha. Si Patient 424 ay ika-17 kaso ng COVID-19 sa lalawigan ng Catanduanes.
Ayon sa impormasyon, nagkaroon ng partial lockdown sa piling kalye ng Barangay Dariao na kung saan nakatira ang ina ng nasabing pasyente na siyang naghahatid ng pagkain habang naka-quarantine. Sa pagkaroon ng lockdown todo suporta naman ang barangay at LGU upang bigyan ng relief goods ang mga residenteng apektado.
Ayon sa alkalde, halos hindi siya nakatulog ng mahimbing dahil hindi makapaniwala na magpopositibo ang kanyang kababayan sa Caramoran. Bilang alkalde, nakaranas umano siya ng takot at pangamba.
Nananawagan ang alkalde sa mga Caramoranon na dapat sumunod sa health protocols, tulad ng pagsusuot ng face mask, mag-sanitize ng alcohol, panatilihin ang social distancing at kung aalis ang mga residente na hindi gaanong kaimportante ay manatili na lang sa kanilang mga tahanan. Makakatulong umano ito sa mga kababayan upang maiwasan ang paghawa ng nakamamatay ng virus. (Ulat ni Patrick Yutan)