Caramoran, Catanduanes – Hinatulan ng habang buhay na pagkabilanggo ang incumbent councilor ng bayang ito na si Zaldy Idanan y Francisco dahil sa paglabag sa section 11, Article 2, Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.
Sa ibinabang desisyon ni Executive Judge Genie G. Gapas-Agbada ng Branch 42 nitong Disyembre 9, guilty beyond reasonable doubt ang hatol ng huwes laban kay councilor Idanan. Napatunayang nasa pag-iingat nito ang 12.5194 gramo ng shabu na nakumpiska ng mga otoridad noong Agosto 4 sa kanyang pamamahay.
Dahil dito kakaharapin ni Idanan ang habang buhay na pagkabilanggo at pagbayad ng P400,000.
Matatandaang sa bisa ng search warrant noong Agosto 4 nang makuha sa mismong bahay ng akusado ang nasabing shabu sa pamamagitan ng pinagsanib na pwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Catanduanes, Cam norte at Philippine National Police Provincial Command Intelligence unit, Caramoran at Virac MPS maging ng RPDEU.
Ayon sa PDEA itinuturing na provincial no. 1 high value target ang konsehal na matagal ng naging mailap sa mga otoridad. Bago nangyari ang operasyon, nakaligtas sa pananambang ang opisyal ilang buwan na ang nakalilipas habang nakamotorsiklo at binabagtas ang kahabaan ng Barangay Sabloyon sa bayang ito.
Samantala, may tsansa pa si Idanan para apelahin sa mataas na korte ang naging hatol ng RTC sa loob ng labin limang araw (15) matapos ang naging hatol.