Virac, Catanduanes – Mariing pinabulaanan ni dating Congressman Cesar V. Sarmiento na sa kanya galing ang kumakalat na text messages hinggil sa pagpili ng mga lugar para sa kanyang relief operation.

            Ayon kay Sarmiento, hindi nangyari ang ganung text at gawa-gawa lang umano ito ng ilang tao na gusto siyang siraan.

            “Totally, bako hale sako yan, gibo-gibo sana ninda yan”, paglalahad ng dating solon. Kung totoo man umano ang text messages, bawal din aniyang ipagkalat ito na walang consent sa source dahil paglabag umano ito sa data privacy act.

            Dahil dito,  sinabi ng dating opisyal na isinangguni niya na sa mga kinauukulan ang naturang issue at maghanda umano ang nasa likod ng naturang fake news.

            Matatandaang, lumabas sa social media ang screen shot na may pangalang Cong. CS na nagsasaad na inaabisuhan nito ang kanyang contact na kunin ang mga lista ng mgbarangay  sa bayan ng Virac, Bato at San Miguel  kung saan siya nanalo at iyon ang priority na bibigyan ng relief goods. Maganda umano itong  bilang paghahanda sa 2022 election. Ayon sa dating solon hindi siya magkakandidato.

            Nanawagan ito na tutukan ang pagtulong sa lalawigan. Kung nagawa man umano ng mga taga ibang lugar ang pagtulong sa lalawigan matapos bayuhin ng malakas na bagyo, mas kailangan umanong tumulong sa ano mang pamamaraan ng mga taga Catanduanes.

            Ang ginagawa niya umano ay bilang tugon sa pangangailangan ng Catandunganon na nasa panahon ng pagbangon.

Advertisement