Bato, Catanduanes –  Dahil sa kanyang kontrobersyal na komento sa facebook kaugnay sa pamamaslang ng isang pulis sa mag-inang Gregorio sa Tarlac,  pinatalsik sa pwesto ang hepe ng PNP Bato na si Police Captain Ariel Buraga.

Una itong kinumpirma ng tagapagsalita ng PNP national noong Martes (Disyembre 22) matapos magpalabas ng direktiba si PNP Regional Director Bartolome sa Provincial Commander na si Pol col. Brian Castillo ng Catanduanes.

 “May policy din po kasi tayo sa mga pulis na ‘wag gamitin ang social media sa mga opinyon na ‘di magbibigay ng hustisya para sa propesyonal na pagtanaw ng PNP sa isang usapin,” Bahagi ng pahayag ni PNP Spokesperson PBGen. Ildebrandi Usana.

Nagtrending  ang post ni  Buraga matapos ang pahayag nito na parang sinisisi pa ang mga biktima dahil sa salitang respeto. Dapat aniya, kahit puti na ang buhok ay marunong rumespeto sa kapulisan dahil mahirap kalaban ang pagtitimpi at pagpapasensya.  Pinapatungkulan ng dating opisyal ay ang mag-inang namatay na sina Sonya asin Frank Anthony Gregorio na napatay ni Police Senior Master Sergeant Jonel Nuesca sa Tarlac City matapos ang pagtatalo.

Ayon kay Atty. Edman Pares, Assistant Regional Director ng NAPOLCOM Bicol, may mga netizens umano na nagshare at nagreport sa kanilang tanggapan sa pamamagitan ng screen shots dahil sa komento ng opisyal kung kaya’t kaagad na inatasan ang Catanduanes Police Provincial command ng PNP na tanggalin muna sa pwesto si Buraga.

Pinagpaliwanag ang hepe kung bakit ganun ang  naging komento sa isyu at  pag-aaralan din umano ang paglabag sa ethical standard of a government employee lalo pa’t isa itong mataas na opisyal ng pulis.

Ayon kay Pares, lahat ng tao maging mga pulis an may karapatang magpahayag ng kanilang komento sa mga isyu subalit dapat na maging balanse at maging responsable lalo pa’t maapektuhan nito ang image ng  kapulisan.

Matatandaang, una nang sumulat si Bato Mayor Juan Rodulfo sa PNP Provincial Command noong Lunes (Disyembre 22) sa tanggapan ng Catanduanes Police Provincial office na hinihinging alisin sa pwesto si Buraga dahil masyadong disturbing umano sa mga residente ng kanyang bayan ang naging komento ng opisyal.

Sumunod na araw, Disyembre 23 nang kumpirmahin ni Mayor Rodulfo na nagpaalam din sa kanya si Buraga dahil nararamdaman niya na umanong maalis siya sa pwesto.

Ayon sa alkalde, maganda naman ang naging performance ng hepe at hindi rin matatawaran ang ginawa nito sa kanyang bayan, subalit ang post lamang nito ang naging basehan upang patanggalin sa pwesto dahil hindi umano tama na ganun na lamang ang paninindigan ng opisyal sa isang shooting incident. Hindi rin umano kinondena ng opisyal ang pamamaslang ng kabarong pulis, subalit tila suportado nito sa pamamaslang ng civilian sa kabila na walang kalaban laban.

Dahil dito, si PLT. FIDEL MANGUE ROMERO JR. tubong,  Ligao, Albay at dating Deputy Chief of Police ng Virac ang pansamantalang officer in-charge sa naturang bayan.

Advertisement