Virac, Catanduanes – Tinuldukan na ni Dr.  Freddie T.  Bernal ang mga sapantaha na isa siya sa mga nag-aambisyon na maging full-pledge president  ng  Catanduanes State University (CatSU).

            Sa panayam ng Bicol Peryodiko binigyang diin ni Dr. Bernal na siya ang dakilang volunteer sa universidad bilang officer-in-charge simula nitong Agosto 2020.

            Sa una pa lamang umano noong maupo siya sa pwesto kanya ng nilinaw na wala siyang balak mag-aplay sa naturang pampanguluhan.

            Sa kasalukuyan, si Dr. Bernal ang umuupo bilang Regional Director ng Commission on Higher Education (CHED) na nakabase sa lalawigan ng Albay at nais niya umanong tapusin ang nalalabing apat (4) na taon sa kanyang termino.

            Si Dr. Bernal ay itinalaga bilang OIC nitong Agosto 2020 matapos magretiro si Dr. Minerva Morales na nanungkulan ng halos anim na taon simula 2015 bilang kahalili ni Dr. Asuncion Asetre.

            Sa pag-upo ni Bernal, binuksan nito ang usapin hinggil sa posibleng pagbubukas ng college of law at college of Medicine na umani ng positibong reaksyon sa iba’t ibang sector.

            Inamin ng opisyal na merong kabigatan ang mga requirements para matuloy ang panukala.

            Sa bahagi ng College of Law, kailangan umano ng isang abugado na merong master’s degree samantalang sa College of medicine, kailangan din umano ang malaking halaga, kagaya sa Bicol University na halos nangailangan ng 500 million budget para sa mga ikipahe. Kailangan din aniyang merong level 3 hospital sa lalawigan para sa internship ng mga medical students. Sa ngayon, tanging EBMC lamang ang level 2 na halos hindi pa ito angkop sa requirements para sa kasalukuyang college of nursing.

            Samantala, kaugnay sa nagpapatuloy na modular instruction dahil sa pandemya, tinutukan umano ng kanyang pamunuan ang pagsasanay sa mga teaching personnel sa pamamagitan ng online at offline modular approach.

            Sa katunayan, nakatakda umano silang maglunsad ng Satellite Learning Center sa labing isang (11) bayan sa lalawigan ng Catanduanes upang maging komprehensibo at mapabilis ang pagtuturo na hindi na kailangan pang magtungo sa paaralan ang mga estudyante.

            Ito ay bilang tugon aniya sa hamon ng pandemya na nararanasan hindi lamang sa lalawigan kundi sa buong bansa.

Advertisement