Kinumpirma ni Chief of Police Mark Barlis ng Baras MPS na walo at siyam na tama ng saksak ng kutsilyo ang tinamo ng dalawang bata mula sa kutsilyo na ginamit ng kanilang amang suspek.

Sa panayam ng Bicol Peryodiko, sinabi ni Barlis na sa post mortem examination na isinagawa ni Municipal Health Officer Ariel Acompaniado ng Baras RHU, lumalabas na sa upper extremities tinamaan ng saksak ang dalawang anak na babae. Kasama rito ang tama sa dibdib at puso na siyang naging dahilan ng maagang kamatayan ng mga biktima.

Ayon sa ina ng mga biktima, hindi niya malaman kung ano ang pinagmulan ng galit ng suspek dahil basta na lamang itong gumawa ng karumal-duman na krimen. Wala rin umano siyang naalalang naging malaking pag-aaway, maliban na lamang sa pangako nitong magbabago na sa pagiging sugarol.

Inilahad ng OFW na asawa na ilang beses niya na itong nadakip na nagsusugal at iniiwan ang kanilang mga anak sa bahay, maliban pa sa mga pagkakautang nito dahil sa sugal.

Matatandaang nitong Hunyo dos nang mangyari ang krimen habang kausap ng suspek ang kanyang asawang OFW na nagdiriwang ng kanyang birthday sa Doha Quatar.

Sa pagresponde ng pulis, inamin ni Barlis na hindi kaagad nakapasok ang kanyang mga tauhan sa bahay ng suspek dahil wala pa silang nakikitang pruweba para pakialaman nila ang ginagawa ng suspek.

Nang makausap umano ng rumespondeng police ang suspek, inamin umano nitong pinatay niya na ang mga biktima. Nagawa pa umano ng suspek na buhatin ang patay ng anak para ipakita ang kanyang ginawa, kung kaya’t dito na pumasok ang mga pulis sa bahay.

Sa paglabas ng suspek halos makikipagtuos pa sana ito sa mga pulis gamit ang kutsilyo kung kaya’t kaagad pinapatukan sa hita at na-neutralize ang suspek.

Wala ng buhay na ng dumating sa pagamutan ang dalawang bata kasama rin ang suspek.  Sa ngayon, sinabi ni Barlis isasampa na nila ang kasong double parricide laban dito.

Matindi naman ang pagdadalamhati ng ina ng mga biktima dahil hindi rin umano siya makapaniwala kung gagawin ito ng suspek. Wala rin umano siyang makitang dahilan kung bakit ginawa ng suspek ang karumal duman na krimen at ito ay nangyari sa mismong kanyang kaarawan noong Hunyo dos ng gabi.

Advertisement