Baras, Catanduanes – Kinumpirma ng ina ng dalawang bata na pinaslang ng sariling ama na hinatulan na ng korte ang akusado ng 2 counts of homicide noong Hunyo 11, 2021.
Sa ekslusibong panayam ng Bicol Peryodiko, sinabi ng ina na gumaan kahit papano ang kanyang pakiramdam matapos magkaroon ng agarang hustisya ang malagim na sinapit ng kanyang mga anak.
Naigawad ang hatol ng korte sa sala ni Executive Judge Genie-Gapas Agabada ng kaparehong araw ilang oras bago nailibing ang mga biktima noong Hunyo 11.
Sa korte, inamin mismo ng akusado na si Errol Trasmano ang kanyang ginawang pamamaslang sa mga anak gamit ang kutsilyo. Sinabi nito na lasing siya nang magawa ang naturang krimen.
Unang isinampa ng Baras MPS ang 2 counts of parricide noong Hunyo 4, subalit sa isinagawang pagharap sa korte humingi ang akusado ng plea bargaining kaya’t naibaba umano ito sa homicide o humigit-kumulang 40 anyos na pagkabilanggo at pagbayad ng P300,000 bilang danyos.
Dahil dito, inaasahang dadalhin sa muntinlupa ang naturang convict para pagsilbihan ang hatol ng korte. Sa kabila ng pagdadalamhati, ikinagalak naman ng ina ang mabilis na hatol ng korte bilang hustisya sa mga biktima. (fb)