Virac, Catanduanes – Hiniling ng Sangguniang Panlalawigan (SP) ng Catanduanes sa pamahalaang nasyunal na dagdagan ang alokasyon at suplay ng bakuna sa isla.

                Mismong si Bise Gobernador Shirley Abundo ang nagsulong ng panukala sa isinagawang regular session ng SP noong Hulyo 26, 2021 para sa mga pangunahing ahensya na siyang may control ng vaccination program. Kasabay sa pagdagdag ng suplay dapat din umanong simulan na rin ang pagbabakuna sa mga nasa A4 category.

                Ayon sa bise gobernador marami na sa mga residente sa lalawigan ang nagpahayag na ng kanilang hangaring mabakunahan subalit dahil sa kakulangan ng alokasyon marami ang nagpahayag ng kanilang frustration.

                Matatandaang, nitong mga nakalipas na linggo inirereklamo ng DOH sa Catanduanes sa pamamagitan ni Dr. John Aquino ang hindi nasusunod na prioritization lalo na sa mga senior citizen na nauunahan pa ng mga singit dahil sa palakasan system.

                Ayon sa bise gobernador, kung marami sana umano ang bakuna madaling maabot ng lalawigan ang tinatawag na herd immunity.

          

Advertisement