photo credit to PLGU Cat'nes

Caramoran, Catanduanes – Sa kabila ng banta nang pandemya naging matagumpay ang kambal na selebrasyon sa bayang ito noong Setyembre 1, 2021.

Ito ay ang 73rd Caramoran Day at ang inagurasyon ng bagong municipal building na nagkakahalaga ng anim na put walong (68) milyong piso na ni-loan sa Land Bank of the Philippines.

Pinangunahan ang okasyon nina Mayor Glenda Aquilar at Vice Mayor Cheryl Barro na dinaluhan naman ng dalawang matataas na opisyal ng lalawigan na sina Gobernador Joseph C. Cua at Congressman Hector Sanchez.

Bilang pag-alala at pagpupugay sa ginawang kabayanihan ni dating Congressman Francisco Perfecto isinagawa ang wreath laying at 21 gun salute sa estatwa nito sa Caramoran Plaza na pinangunahan nina Mayor Glenda Aguilar at SB sa pangunguna ni Vice Mayor Cherry Barro at mga kawani ng lokal na pamahalaan.

Si Perfecto ang naging instrumento upang maisakatuparan ang panukalang batas na nagdedeklara bilang independent municipality ang Caramoran mula sa pagiging bahagi ng bayan ng Pandan.

Ang Tema ng kanilang selebrasyon ay naka-angkla sa patuloy na kinakaharap na pandemya   “The New face of Caramoran: meeting the challenges of the covid -19 pandemic”.

Laking pasasalamat ng  butihing alkalde sa kooperasyon at matagumpay na selebrasyon. Aniya sa hinaba-haba ng panahon, naihabol sa wakas ang isang napakahalagang proyekto na magkaroon ng sariling tanggapan ang mga manggagawa sa naturang bayan.

Maliban sa ito ang isa sa pinakamalaking municipal building sa lalawigan ng Catanduanes na may may lawak na 1500 square meter, maitururing ding isa ito sa pinakamagandang gusali na merong tatlong palapag at ito ay maituturing umanong multi-purpose building dahil pwedeng maging evacuation center ang ikatlong palapag nito sakaling merong malakas na bagyo at iba pang kalamidad.

Sa naturang okasyon, pinarangalan din ang ilang individual sa naturang bayan.

Sa panayam ng Bicol Peryodiko sinabi ni Mayor Aguilar na dumaan sa matinding pagsubok bago naikatuparan ang proyekto. Nagkaroon umano ng delay ang proyekto dahil sa pandemya na halos intermittent ang patrabaho dahil sa kalagayan ng panahon at pagkakaroon ng covid-19sa bansa.

Si Mayor Aguilar ang tumapos sa matagal ng proyekto ng naturang bayan. Unang plinano at nasimulan sa panahon ni dating Mayor Agnes Popa, Naiplano rin ito sa panahon ni Mayor Salvacion Isuela, subalit hindi naisakatuparan.

Samantala, ipinaabot naman ni Gobernador Joseph Cua at Congressman Hector Sanchez ang kanilang pakikiisa sa selebrasyon at pagbati sa pagbubukas ng bagong tanggapan sa naturang bayan.  (#132 Ariel Eubra)

Advertisement