Virac, Catanduanes β Binigyang pagkilala ng Sangguniang Panlalawigan (SP), sa pamumuno ni Vice Governor Shirley Araojo-Abundo, ang School Administrator ng Cabugao School of Handicraft and Cottage Industry (CSHCI) na si Ginoong Elpidio Tuboro, nitong Setyembre 13, sa regular session ng SP.
Ang pagkilalang ito ay nakapaloob sa resolusyon na inihain ng mga bokal na sina PBM Edwin Tanael at PBM Robert Fernandez ng East District, para sa di matatawarang kontribusyon ni Tuboro sa promosyon ng skills development sa pamamagitan ng technical vocational courses at trainings sa lalawigan.
Sa resolusyon, mula nang naupo umano si Tuboro bilang administrador ng CSHCI, nagsimula itong makipag-ugnayan sa mga lider ng lokal na pamahalaan upang maipaalam ang tungkol sa Technical and Vocational Education Training (TVET) na programa ng TESDA.
Batay sa record, mula taong 2014 hanggang 2018, nakapag-produce ang CSHCI ng kabuuang 9,145 graduates mula sa 10,874 enrollees. Maging sa gitna umano ng pandemya, hindi pa rin tumigil ang CSHCI, sa pamumuno ni Tuboro, sa pagsasagawa ng skills training, hindi lang sa Cabugao maging sa iba pang mga campuses, partikular sa mga bayan ng Pandan, Viga, at San Andres.
Kasama ang anak at asawa, ikinagalak naman ni Tuboro ang karangalang iginawad ng SP. Nagpaabot ito ng taus pusong pasasalamat sa pagkilala. Magsisilbi umano itong gabay at inspirasyon upang mas pang pag-ibayuhin at palakasin ang pamamahala para makatugon sa pangangailangan ng mga nais magkaroon ng skills training at makakuha ng trabaho bilang hanapbuhay. (Radyo Pilipinas)