Tiniyak ni Vice President Leni Robredo na kapag siya ay nahalal bilang Pangulo sa darating na eleksyon ay magiging abot kaya ang pagpapagamot at aayusin ang buong healthcare system o pangangalaga sa kalusugan ng mga Pilipino lalo na hindi pa rin natatapos ang pandemya.
“Mahirap magkasakit pag mahirap ka kasi hindi accessible ‘yung lahat ng klase ng healthcare na accessible sa mga may pera. So, ito talaga kailangan natin ‘tong asikasuhin,” sinabi ni VP Leni sa isang panayam. Ayon kay VP Leni, kailangan na dapat para sa bawat rehiyon at probinsya ay mayroong mga ospital na kumpleto sa gamit, duktor, nars, at mga healthcare worker para yung mga nagkakasakit sa mga probinsya ay hindi na kailangan lumuwas pa ng Maynila upang magpagamot.
Hindi lang ito plano o pangako, dahil ngayon pa lang, mabilis na ang naging pagtugon ni VP Leni sa muling pagtaas ng bilang ng mga nagkakasakit ng COVID-19. Kahit maliit ang budget ng Office of the Vice President, nagagawa ito ni VP Leni sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa pribadong sektor, lokal na pamahalaan, at paghingi ng tulong sa mga volunteer.
Libreng konsultasyon sa mga duktor ang bigay ng OVP sa pamamagitan ng Bayanihan E-Konsulta. Higit na sa sampung libong COVID care kits na naglalaman na ng mga gamot tulad ng paracetamol, vitamins, alcohol, face mask, at disinfectant na ang napamigay ng libre sa mga nagkasakit ng COVID mula pa nuong isang taon.
Kung may reseta ng duktor, nagbibigay ng libreng mulnopiravir, ang gamot sa COVID, ang Bayanihan E-Konsulta. Sa Metro Manila at mga karatig lugar na Bulacan, Rizal, Laguna, at Cavite pa lamang ang Bayanihan E-Konsulta pero nais talaga ng OVP na makarating pa ito sa iba’t ibang bahagi ng bansa kung magkakaroon pa ng mas maraming volunteers at partners para sa programa. Agad din binalik ni VP Leni ang libreng antigen testing sa pamamagitan ng OVP Swab Cab para mabigyan ng pagkakataon ang mga tao malaman kung sila ay may COVID o wala.
Naniniwala si VP Leni na kailangan libre ang COVID-19 testing para maampat ang pagkalat ng sakit. Hindi rin dapat parusa ang ginagawang polisiya para magpabakuna ang mga Pilipino. Sa karanasan ni VP Leni, ang malinaw na paliwanag at pagbibigay ng insentibo ay sapat para marami ang magpabakuna.
Nakarating na ang OVP Vaccine Express ni VP Leni sa iba’t ibang mga probinsiya kung saan libre ang pagpapabakuna laban sa COVID-19. Kasama sa pagpapabakuna ang libreng medical check-up, relief packages, at hygiene kits. ##