Ibinasura ng Sandiganbayan Seventh Division ang kasong kriminal na inihain ng Ombudsman laban kina Governor Joseph C. Cua at dating Bato Mayor Leo Rodriguez.
Sa pitong pahinang resolusyon ng korte na inilabas noong Disyembre 16, 2021, ibinasura ni Associate Justice Ma. Theresa Dolores Gomez-Estoesta ang nasabing kasong kriminal na may numero SB-21-0106.
Matatandaang, kinasuhan ng Ombudsman si Gov. Cua ng paglabag sa Sec 3(e) ng Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act dahil sa pagpayag ng opisyal na gamitin ng ERR Construction ang bakanteng lote ng probinsiya sa may JMA Building ng walang bayad umpisa Enero 2017 hanggang Marso 2018 at walang pahintulot mula Sangguniang Panlalawigan.
Nagresulta ito sa pagkasuspinde ng nasabing gobernador ng 90 araw simula Enero 2019 hanggang Abril 2019. Bago pa man ang Mayo 2019 halalan, inilabas din ang punitive decision ng Ombudsman at muli niyang pagkasuspendi ng isang taon matapos mapatunayan sa kasong administratibo.
Samantala, isinampa naman ng Ombudsman ang kasong criminal sa gobernador kung saan ibinasura ito ng Sandiganbayan matapos hindi isinama sa alegasyon ang halaga kung magkano ang naging damage sa lokal na pamahalaan matapos ipagamit ang lote.
Upang matukoy kung kaninong korte ang may hurisdiksyon sa nasabing kaso, nakasaad sa Sec. 2 ng RA No. 10660, na sakop ng RTC kung ang kaso ay (a) wala umanong “allege damage” sa gobyerno (b) “alleges damage” sa gobyerno o suhol or pareho ano mang transaksyon o gawain na hindi hihigit sa isang milyong piso.
Ayon sa resolusyon, hindi umano napakita sa reklamo ang umanoy “damage” sa gobyerno na hindi bababa sa isang milyon. Kung kaya’t hindi umano sakop ng Sandiganbayan ang nasabing reklamo.
“Where no allegation of any damage to the government is thus found in the Information in the threshold amount of at least ₱1,000,000, the court is constrained to dismiss the case for want of jurisdiction.”
“Wherefore, Criminal Case No. SB-21-0106 is ordered DISMISSED for lack of jurisdiction.”, bahagi ng dispositive portion ng Sandiganbayan.
Samantala, nagpahayag naman ng kagalakan at pasasalamat si gobernador Joseph Cua sa paborableng desisyon ng korte.
Sa kabilang dako, dahil sa technicality ay ilang remedyo naman ang tinitingnan ng mga interesado sa kaso. Batay sa rules of court, maaring iapela ito ng solicitor general na siyang kumakatawan sa pamahalaan na siyang isa sa mga interesado sa ganitong uri ng kaso. (Sam Panti/Robert Tavera)