Lubos na ikinalungkot ng tumatayong pangalawang ama ng kapulisan ang pagkawala ng isang masigasig na tagapagsilbi ng bayan lalo na nang personal na masilayan ang sinapit nito.

Personal na nagtungo sa probinsiya ng Catanduanes noong Huwebes, Ika-3 ng Pebrero 2022, si Deputy Regional Director for Administration, PCOL DAVID K. PEREDO JR ng Police Regional Office 5 (PRO5), batay na rin sa direktiba ni Regional Director PBGEN JONNEL C. ESTOMO upang ipaabot ang taos-pusong pakikiramay ng pamunuan sa naulilang pamilya ni PSMS John Teston.

Binigyan niya ito ng karampatang paggalang at pagpupugay para sa kanyang naging ambag at serbisyo sa Pambansang Pulisya.

Si PSMS Teston ay ang magiting na pulis ng San Miguel na nasawi sa isang ambush noong Pebrero 1, 2022 sa Sitio Tucao, Barangay Juan M Alberto (JMA), San Miguel, Catanduanes.

Siya, sampu ng kanyang kasama ay magsisilbi sana ng warrant of arrest laban sa dalawang wanted person nang tambangan ng humigit-kumulang sa labing-lima (15) miyembro ng rebeldeng grupo.

Tinuturing na number 1 most wanted sa lalawigan ang isang aarestuhan sana dahil sa kasong rape at ang paglabag naman sa illegal logging ang isa pang target.

Nang papauwi na ang tropa nang tambangan sila ng mga nakaposteng pinaniniwalaang mga miyembro ng mga NPA.

Pinaabot ng opisyal  ang pakikidalamhati ng Regional Director na si PBGEN ESTOMO na kilala hindi lamang sa pagiging dedikado sa trabaho bagkus bilang lider na may malasakit at pagmamahal sa kanyang mga tauhan. Bukod sa binigay na tulong pinansyal, ay nangako din ito na bibigyan ng kaukulang asistensya ang naulilang pamilya, umaasang kahit sa simpleng paraan ay mabawasan ang alalahanin ng naiwang mahal sa buhay.

Bago ito, una nang nakadaupang palad ni PCOL PEREDO ang hanay ng Catanduanes Police Provincial Office (CATPPO) sa tradisyonal na “Talk to Men” sa Kampo Camacho.

Siya ay nagsilbing representate hindi lamang ng Regional Director bagkus ng buong Pulis Bikol na nakikidalamhati sa pagkawala ng isang kasamahan. Personal niya din na nakilala ang limang pulis na nakaligtas sa insidente.

“Align yourself… do not be discouraged of the incident, better yet be motivated, take it as an opportunity to live your life for the better, and with purpose”, paglalahad ng opisyal. (CATPPO)

Advertisement