Dakong alas onse (11:00) ng umaga noong Marso 12, 2022, inilibing ang mga labi ng isang rebelde na nasawi sa sagupaan sa pagitan ng Communist NPA Terrorist (CNT) at tropa ng Pamahalaan.

Matatandaang isang malawakang Internal Security Operations ang ginawa ng Philippine Army (PA) kasama ang 1st Provincial Mobile Force Company (PMFC) sa Sitio Kuripdas Brgy JMA, San Miguel, Catanduanes noong Marso 10 ng kasalukuyang taon kung saan natunton ang kuta ng mga rebelde.

Nagkaroon ng palitan ng putok na tumagal ng halos 45 minuto at nagresulta nga sa pagkakapatay ng isang lalaki mula sa hanay ng mga rebelde. Sa kabila nito, ay ipinagkaloob ng Lokal na Pamahalaan ng San Miguel kasama ang ating Kapulisan at Philippine Army ang isang disenteng libing para sa lalaki na wala pang pagkakakilanlan hanggang sa ngayon.

Nag-alay ng dasal ang grupo at nagkaroon ng pagbabasbas sa pangunguna ng San Miguel Parish Priest bago ito inilibing sa San Miguel Public Cemetery. Nagpahayag naman ng pakikiramay ang hanay ng Kapulisan at ng Philippine Army para sa nasawi, bagamat wala umano itong pagkakakilanlan ay nakalulungkot lamang isipin na isa na namang Pilipino ang hindi na masisilayan pa ng kanyang pamilya dahil sa paniniwala sa maling ideolohiya at panlilinlang ng teroristang grupo.

Samantala, patuloy ang panawagan ng ating kapulisan at ng kasundaluhan sa mga natitira pang kasapi na NPA na sumuko na at ibaba ang kanilang mga armas upang makapagbagong buhay kasama ang kani-kanilang pamilya.

Para sa mga natitirang miyembro ng NPA sa probinsya, nasa inyo ang pagpapasya kung tatanggapin ninyo ang alok na tulong ng Pamahalaan para makapagsimula ng isang tahimik na buhay o patuloy na magtago at mamuhay ng balot ng pagkabagabag dahil sa patuloy at mas pinalakas na kampanya at operasyon ng pamahalaan laban sa insurhensya. (via San Miguel MPS Press Release/photo)

Advertisement