Kinumpirma ni DepEd-Bicol Regional Director- Gilbert Sadsad, na nasa 986 na mga public schools at 43 mga private schools sa rehiyon ang pinahintulutang magsagawa ng ‘expanded limited face to face classes.
Ayon kay Sadsad, ang mga naturang paaralan ang nakapasa sa School Safety Assessment Test o SSAT at nakapag comply sa Interim Guidelines para sa implementasyon ng limitadong face to face classes na ikinasa mismo ng ahensya.
Kaugnay nito, muling ipinaalala ni Sadsad sa mga pamunuan ng paaralan, na kaakibat ng pagpapahintulot sa mga itong magsagawa ng face to face classes ang mahigpit pa ring pagpapatupad ng mga minimum public health standards; pagkakaroon ng written consent mula sa mga magulang ng mga estudyanteng lalahok sa klase at ang koordinasyon mula sa mga respetibong barangay na nakakasakop sa paaralan.
Batay sa pinakahuling datus ng ahensya, ang lalawigan ng Camarines Sur ang may pinakaraming paaralan na lumalahok sa limited face to face classes na umabot sa 366.
Ang lalawigan ng Catanduanes ay merong humigit kumulang 90 pribado at pampublikong paaralan, kung saan 87 paaralan ay nagbukas nitong Marso 7 ng kanilang face to face classes.
Nitong Marso 1, ang Cabuyoan Elementary School ang pinakaunang public school na binuksan sa lalawigan samantalang tatlo rito ay pribadong paaralan.
Ayon kay Schools Division Supt. Susan Collano, naniniwala siyang magiging matagumpay ang muling pagbubukas ng klase matapos pormal ng ibaba sa level 1 ang lalawigan. (FB)