Provincial Tourism Photo

Virac, Catanduanes – Inanunsyo ng Provincial Tourism and Promotion Office ng Catanduanes na bukas na muli ang lahat na mga tourist destinations sa buong lalawigan.

Sa panayam ng Radyo Peryodiko 87.9 BPfm sinabi ni Provincial Tourism Officer Carmel Garcia na ang pagbaba sa level 1 classification ng lalawigan ang hudyat para sa muling sumigla ang turismo na makakatulong ng malaki upang umarangkang muli ang ekonomiya sa isla.

“Binabareta niato na ang gabos na mga tourist destinations sa isla are finally open na po because we are alert level one already”, ang masayang pahayag ni Garcia.

Kasabay nito, pormal na ring bubuksan ngayong linggo ang mga  tourism information desks sa Virac airport maging sa mga pantalan ng Virac at sa San Andres na siyang may pinakamalaking volume ng bumabyahe dahil sa maiksing biyahe nito mula sa Tabaco port.

Layunin nitong mamonitor at mabigyan ng gabay ang mga dumarating na bisita patungo sa mga tourist destinations na kanilang nais puntahan.

Dahil sa posibleng pagtaas ng bilang ng mga biyahero, plano umano ng Cebu Pacific na palitan ng airbus ang kanilang aircraft. Sa kasalukuyan, tatlong beses parin sa isang linggo ang biyahe ng eroplano sa isla.

Samantala, para mamonitor ang mga pumapasok na domestic at foreign tourists, nakatakdang ipatupad ng Provincial Tourism Office ang isang ordinansa na 2017 pa umano naaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan.

Ang ordinasa ay tumutukoy sa registration ng mga turista na merong kaakibat na halagang 50 pesos. Ito ay magsisilbing access pass umano ng mga turista sa mga recognized tourism destinations, kung saan kalakip nito ang mga information materials at small item bilang souvenir mula sa isla.

Sa kabila ng pagluwag ng classification, pinaalalahanan muli ni Garcia ang mga tourism operators na kailangan mamantine ang minimum health protocols para maiwasan ang pagkalat ng covid-19.

“ We are happy that finally we are now on the level one, but jus the same po we need to observe the minimum health protocols, yan na po ang mode ngonian habang nasa new normal kita”, dagdag pa ng opisyal.

Matatandaang, ilang beses ng nasuspendi ang pagbubukas ng mga tourist destinations sa lalawigan dahil sa muling pagtaas ng covid-19 cases nitong nakalipas na Enero. Kailangan aniyang hindi na mangyari ang paglobo ng kaso upang tuloy-tuloy na ang paglago ng turismo sa lalawigan.

Kamakailan lamang, ilang beses ng bumisita sa lalawigan si DOT Regional Director Herbie Aguas para sa inspection at accreditation ng mga hotel accommodations at pagbisita sa mga potential tourist spots.

Kasama sa ilang malalaking event na  pinaghahandaan ng lokal na pamahalaan ngayong summer ay ang pagdagsa ng mga bakasyunista maging ang paparating na pagdiriwang ng Abaca Festival sa darating na Mayo na planong tampukan ng mga kakaibang aktibidad.

Ang Abaca Festival ay isang promotion scheme ng lokal na pamahalalan bilang pagkilala sa kalidad ng abaca mula sa lalawigan. Pagpapakilala rin na ang Catanduanes pa rin ang kinukunsiderang abaca producing province sa buong mundo. (FB)

Advertisement