Virac, Catanduanes – Naging matagumpay ang isinagawang Provincial Candiates forum nitong Abril 29, 2022 sa Virac Plaza na pinangunahan ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting at ng Caritas Virac, katulong ang iba’t ibang sektor.
Umaabot sa 14 mula sa 19 na mga kandidato sa Provincial Board Members sa east at west district, kung saan 4 lamang ang dumalo mula sa east district.
Kompleto ang mga kandidato sa pagka-bise gobernador na sina San Andres Mayor Peter Cua, PBM Natalio C. Popa, Jr. at Atty. Rodel Abichuela. Kompleto rin ang mga kandidato sa pagka-gobernador na sina incumbent Joseph C. Cua, Vice Governor Shirley Abundo at Randy Tanael.
Nagharap din ang 4 na mga congressional candidates na sina incumbent Hector S. Sanchez, dating Congressman Cesar V. Sarmiento, dating alkalde Leo Rodriguez at Atty. Oliver Rodulfo.
Kasama sa mga pangunahing issue na tinalakay ng mga kandidato ay ang problema sa mga hospital, particular ang kontrobersyal na EBMC, district hospital, social services, kapaligiran, agrikultura, livelihood maging ang problema sa kuryente.
Napag-usapan din ang issue hinggil sa check and balance sa pagitan ng bise gobernador at gubernatorial posts dahil sa magkasabay na pagkandidato ng magkapatid na Mayor Peter “Boste” Cua at Gobernador Cua. Nagbigay naman ng assurance si Boste Cua na walang magiging collusion sa kanilang pamumuno sakaling manalo. Ang serbisyong no delay na naging panuntunan sa pag-unlad ng San Andres ang nais niyang dalhin sa buong lalawigan.
Expansion naman sa EBMC ang inilatag na plano ni Cua sakaling manalo sa kaparehong pwesto at ang brand ng magkatid na Cua sa pamamagitan ng pagtulong na umanoy madaling lapitan.
Sinabi naman ni Bise gobernador Shirley Abundo na kanyang sisiguruhing walang ibang gobernador sa kapitolyo kung siya ang mananalo. Sagot ito sa mga sapantaha na posibleng maging puppet siya ng kanyang asawa at pasaring sa kasalukuyang administrasyon na tila meron pang ibang gobernadora na gumaganap sa kanyang mga tauhan.
Ang hinaing at problema hinggil sa social at health services umano ang pangunahing dinadaing ng mga mamamayan na kanyang tututukan.
Sisiguruhin rin umanong maibibigay sa taong bayan ang kailangan ng mga ito upang hindi lagi umaasa sa dole out o bulsa ng mga pulitiko.
Pinag-usapan din ng mga congressional candidates ang issue sa pagkakadeklara sa Catanduanes bilang Abaca Capital of the Philippines. Ayon kay congressional candidate Sarmiento, sakaling manalo prayoridad niya umano ang amendment sa batas na nagdedeklara sa lalawigan bilang Abaca capital.
Aniya, dapat madagdagan ito ng version hinggil sa paglikha ng tanggapan sa Catanduanes State University para sa research and development at pagbibigay ng assistance sa mga abakaleros. Ipinagmalaki naman ni Sarmiento ang realisasyon ng kanyang proyekto sa expansion ng boulevard. Kung dati umano kinontra ng ilang sektor, subalit ngayon ay napapakinabangan na ito.
Ibinida rin ni Sanchez ang kanyang mga nagawa sa loob ng tatlong taon . Kasama rito ang umaabot sa 10 bilyong halaga ng infra projects, medical assistance sa mga pasyente sa EBMC na nagkakahalaga ng 30 milyon bawat taon, 170M sa loob ng dalawang taon na may 30,000 beneficiaries, house bill 5477 para sa malasakit center, panukalang 100 bed capacity sa Caramoran, power solar system sa 21 barangays, 250M improvement ng Viwad, sewerage treatment facility sa Virac, tupad program na merong 50k beneficiaries, 700M budget sa rehab ng mga paaralan, sa Virac maging sa mga district hospitals. Infra -10 bilyon, ang rekogmasyon sa lalawigan bilang abaca capital of the phils , pagresulba sa brownout ng kuryente at ang nalalapit ng pagsasakatuparan ng submarine cable at ang panukalang Economic zone sa bawat munisipyo.
Competent person naman ang hangad ni Rodulfo sa mga ilalagay sa pwesto para maging produktibo ang pamamalakad ng pamahalaan. Nais niya umanong magkaroon ng tren patungo sa lalawigan ng Catanduanes para mabilis ang transportasyon. Mas magandang ibalik na rin umano ang EBMC at mga district hospital sa national government sa pamamagitan ng pag-amiyenda sa local government code para hindi na mahirapan ang mga LGUs dala ng devolution.
Nais niya rin maamiyendahan ang Anti-violation against women and children dahil nagagamit at naaabuso na ito ng ilang individual dahil pinagkakakitaan. Ang mga convicted umano sa graft and corruption ay dapat ng patawan ng death and life sentence at walang probation. Amendment sa Juvenile delinquency act na ginagamit umano ng mga sindikato. Maging ang pagkapit ng mga individual sa mga private lending institution na matataas ang interes samantalang meron umanong mga government agencies na mura ang porsiyento kagaya ng DBP at Landbank.
Samantala, inilatag naman ni Congressional candidate Leo Rodriguez ang kanyang plataporma sa pamamagitan ng kanyang sikat na slogan na “ALISTO”. Ang alisto ay hango sa kanyang slogan noong alkalde pa siya ng bayan ng Bato “ Bato Alisto”.
Kasama rito ang pagtutok sa agriculture and fisheries, pagpapigting sa livehood at employment generation, infrastructure and development, Social services, Tourism development at Oversight and transparency, bilang kinatawan ng lone district ng Catanduanes.
Ayon kay Rodriguez, mabilis na implementasyon ng mga programa ang kanyang gagawin sakaling mabigyan ng pagkakataong makapagsilbi bilang kinatawan ng isla. (BP newsteam)