Nilinaw ni PMAJ EMSOL E ICAWAT, spokesperson ng CATPPO na hindi papasok bilang “Election Related Incident” ang naganap na panloloob sa Bato, Catanduanes.
Ito ay matapos na isangguni ng PNP ang insidente nitong Mayo 5, 2022 sa Commission on Election (COMELEC) ng Bato na pinamumunuan ni Acting Election Officer Amelia Arizabal.
Sa parehong araw, pormal na sinertipikahan ng nasabing tanggapan ang insidente bilang “NON-ELECTION RELATED INCIDENT”.
Matatandaan na nitong Mayo 3, napabalitang pinasok ng mga armadong kalalakihan ang bahay ng tumatakbong Kongresista na si Eulogio “Leo” Rodriguez kung saan natangay umano ng mga hindi pa nakikilalang kawatan ang humigit-kumulang 20 milyong piso halaga ng salapi at iba pang kagamitan.
Pahayag ni PMAJ ICAWAT, “pursuant to Omnibus Election Code, Election Related Incident (ERI) is defined as crime incident which could affect or disrupt the electoral proceedings or create a form of political tension that could eventually upset the electoral process, regardless of the motive.”
Ang kaso sa Batalay ay hindi umano makakaapekto sa proseso ng eleksyon sa probinsya lalo pa at ang tinitingnan na pangunahing motibo sa insidente ay pagnanakaw.
Ganon pa man hindi aniya isinasawalang bahala ng awtoridad ang insidente. Katunayan, bumuo ng Special Investigation Task Group (SITG) “Batalay” ang PNP para tutukan ang agarang paglutas sa kaso.
Samantala, nanawagan pa rin ng suporta sa mamamayan ng probinsya ang pamunuan ng CATPPO upang maidaos ng payapa at tahimik ang nalalapit na eleksyon.
“Nakaalerto na ang ating kapulisan at kasundaluhan, at iba pang ahensya na derektang mangangasiwa sa halalan, ang paki-usap natin sa ating kababayan ay sundin ang mga alituntuning pinatutupad upang maiwasan ang aberya at kaguluhan lalo na sa araw mismo ng halalan. (via CATPPO)