Virac Catanduanes- Patuloy ang isinasagawang paghahanda ng Comelec Virac sa nalalapit na SK at Barangay election ngayong Disyembre sa kabila ng mga panukalang batas na inihain sa kongreso.
Sa Panayam ng Radyo Peryodiko kay Atty. Maria Theresa Dolores ng Comelec Virac, sinabi nitong nakapagtala sila ng kabuuang 2,861 aplikante kung saan 80 % dito ay mula sa 15-17 taong gulang. Mula sa naturang bilang, 465 dito ay mga regular na botante.
Sa naturang numero, sinabi ni Atty. Dolores na malaki ang naturang bilang sa kanilang inaasahan. Nangangahulugan din umano ito na maraming interesado para sa halalan.
Samantala, ang mga nagparehistro umano ay isasailalim pa rin sa pagsusuri para matukoy ang mga hindi kwalipikado. Susuriin din umano ang mga dapat tanggalin kagaya ng mga namatay o nakapagtransfer na sa ibang lugar. Magkakaroon din umano sila ng Election Registration Board (ERB) hearing para sa pag apruba sa mga aplikasyon na naisumite sa kanilang tanggapan.
Bagama’t tapos na ang registration noong Hulyo 23, wala pa umanong petsa o ipinalabas na kautusan mula sa itaas kung magkakaroon pa ng “extension’ ang registration.
Nilinaw din nito na ang SK election ay merong prohibition kung sino ang pwedeng payagang tumakbo dahil sa anti-political dynasty. Kung sinuman umano ang kakandidato na merong kapamilya sa 2nd degree o hanggang tiya o tiyuhin ay hindi makakapagkandidato, subalit pwede pa rin silang bomoto.
Ang edad ng mga pwedeng kumandidato sa SK ay mula labing walo (18) hanggang dalamput apat (24) nae dad, subalit ang boboto ay mula 15 hanggang 30 taong gulang. (Richmon Timuat)