Virac, Catanduanes – Nasa alarming status ang kaso ng dengue sa buong bansa kung kaya’t inalarma  ng Provincial Health Office ang mga Catandunganon na makipagtulungan upang maiwasan ang pagkakaroon ng outbreak sa lalawigan ng Catanduanes.

Sa panayam ng Radyo Peryodiko 87.9DZBP-FM, sinabi ni Provinicial Health Officer Hazel Palmes na bagamat hindi pa kritical sa lalawigan, may mga manaka-nakang naitatalang kaso sa mga munisipyo.

Matatandaan taong 2019 nang magkaroon ng  Dengue Outbreak sa lalawigan na ikinaalarma ng lokal na pamahalaan. Dahil dito, doble ang kanilang pagbabantay para hindi na maulit ang naturang outbreak. Inamin ng opisyal na meron na silang namomonitor na clustering subalit hindi pa ito alarming. Katunayan sa barangay Sto. Niño sa bayan ng Virac, nagsagawa na ng inisyal na survey sa pamamagitan ng pagkuha ng sample at ipinadala na ito sa BRTTH para sa pagsusuri. Isang hakbang ito upang matukoy  kung “ High Risk” ba o masasabing potential ito na maging outbreak.

Samantala, kamakailan lang  nagsagawa na nang training sa mga bagong Rural Health Unit Sanitation Inflectors na binubuo ng 36 na indibidwal sa buong lalawigan. Ito ang  tinatawag na “Entomology Study” na pangunahing layunin ay matukoy ang populasyon ng mga lamok sa pamamagitan ng Bertheau Index (BI) upang matingnan kung may posibilidad ang nasabing populasyon na makapag buo ng “Dengue Outbreak”.

Sa tala ng PHO, ang Virac ang may pinakamaraming kasong naitala simula Enero hanggang buwan ng Hulyo, na halos umabot ito sa 101 habang ang bayan ng San Andres ay merong naitalang 25 kaso. May mga naitalang clustering sa mga lugar ng Virac, San Miguel at Baras, subalit hindi naman umano ito naging stable at nawawala kaagad.

Kaugnay nito, muling pinaalalahanan ni Dr. Palmes ang lahat na mga mamamayan na maging alerto sa epekto ng dengue lalo ngayong rainy season. Maari umano itong maiwasan kung mapanatili ang kalinisan sa paligid ng mga bahay ay buwagin ang mga posibleng pamugaran ng mga ito kagaya ng mga estero at mga botelya.

Kasama sa mga sintomos ng dengue ay ang mga sumusunod:

Trangkaso, matinding sakit ng ulo, sakit sa ilalim ng mga mata, pananakit ng kalamnan at kasukasuhan, pagkahilo, pagsusuka, namamagang mga kolani at pantal.

Mga araw sa pagkuwarentenas – Mula 3 – 14 na araw, madalas ay 4 – 7 na araw. Ang mga virus ay sanhi ng apat na mikrobyo. Ang mga sintomas ng unang impeksiyon ay hindi gaanong malubha, pero ang kasunod na mga impeksiyon na may ibang uri ng mikrobiyo ay kadalasang nagdudulot ng malubhang dengue (kilala rin bilang ‘dengue haemorrhagic fever’).

Kahit magaling na, may posibilidad pa ring magkaroon ng malubhang dengue ang isang tao habang siya ay nabubuhay. Kapag walang wastong pagpapagamot, ang posibilidad ng kamatayan dulot ng malubhang dengue ay lalagpas sa 20%

Narito naman ang mga Paraan para makaiwas, Tanggalin ang mga naipong tubig sa paligid, Iwasang makagat ng mga lamok. Ang kahit na sino na may masamang pakiramdam pagkatapos ng biyahe ay dapat na magpatingin kaagad sa doktor at magbigay ng detalye tungkol sa mga lugar na kanilang pinuntahan. FB/Richmon Timuat)

Advertisement