Virac, Catanduanes – Kinumpirma ni Provincial Fiber Officer II Bert Lusuegro ng PhilFIDA Catanduanes na malapit ng maipamahagi ang halagang 69.9 milyong pondo para sa rehabilitation ng abaca industry sa lalawigan.

Sa panayam ng Radyo Peryodiko, sinabi ni Ginoong Lusuegro na ang naturang pondo ay bahagi ng ipinangako ng Duterte Administration matapos maging hardly hit ang lalawigan dahil sa Supertyphoon Rolly noong Nobyembre 2020.

Ang naturang pondo ay mapupunta umano sa 13,777 farmer beneficiaries mula sa mga bayan ng San Miguel, Bato, Baras, Virac at San Andres batay sa kanilang pre-listings na kinolekta. Sila ang mga malubhang naapektuhan ng bagyong Rolly.

Magkatuwang umanong ipapatupad ito ng PhilFIDA at ng lokal na pamahalaan ng Catanduanes sa pamamagitan ng office of the Provincial Agriculture’s Office (OPAG).

Kasama sa magiging alokasyon nito ay ang Abaca Disease Management Program o ang eradication sa abaca diseased at ang replanting. Libre umanong ipapamahagi sa mga farmers ang bibilhing mga pestisidyo maging ang mga pananim, samantalang magiging counterpart lamang ng mga magsasaka ay ang labor.

Sa kasalukuyan nagpapatuloy ang isinasagawang registration para sa mga abaca farmers sa buong lalawigan para sa naturang programa.

Matapos ideklarang Abaca Capital of the Philippines ang lalawigan nitong Abril 15, target ng mga opisyal ng lalawigan ang malaanan ng kaukulang pondo mula sa national government para sa pagpapalago ng produksyon at rehabilitasyon ng mga naapektuhan ng mga bagyo.

Ayon kay Lusuegro, ang Catanduanes ay sinusundan ng Davao City pagdating sa abaca production. Dahil dito, nakikipag-ugnayan umano sila sa mga stakeholders upang matulungan silang maging performing ang PhillFida sa lalawigan.

Kasama rito ang koordinasyon sa Catanduanes State University, particular ang hakbang na maibalik ang kanilang tanggapan sa compound ng CatSU para sa research center at maging katuwang sa ibayo pang pag-aaral para mapalago ang produksyon at marketing nito sa bansa.

Kinumpirma ni Ginoong Lusuegro na ang bayan ng Caramoran ay ang may pinakamalaking produksyon sa lalawigan, sinusundan ito ng San Miguel Catanduanes.

Batay sa record, merong 23,000 metric tons ang production ng Abaca ng lalawigan kada taon. Namataan naman ang pagbagsak ng volume ng produksyon nitong huling taon dahil sa pandemya maging sa nagdaang mga bagyo. (FB/Richmon Timuat)

Advertisement