Virac, Catanduanes – Nakatakdang tunguhin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga bayan ng Gigmoto, Baras, at Bato ngayong darating na Sabado, September 10, 2022.
Ito ay bahagi ng ikaapat na yugto ng pamamahagi ng educational assistance sa lalawigan ng Catanduanes, kung saan aabot sa 836 ang target na benipisyaryo.
Sa Panayam ng Radyo Peryodiko 87.9 DZBP-FM kay Information Officer Marygizelle Mesa ng DSWD Region 5, sinabi nito na ang ikaapat na pamamahagi sa ngayong Sabado sa lalawigan ay nakatakdang isagawa sa mga sumusunod na lugar:
Gigmoto na may 144 na benepisyaryo ay isasagawa sa Multipurpose bldg. District 2, Sa bayan ng Baras na may 133 benepisyaryo ay isasagawa sa ground floor MDRRMO Bldg. Baras municipal compound. Sa bayan ng bayan ng Bato na merong 559 benepisyaryo ay isasagawa sa Balay Silangan Poblacion, Ilawod Del Rosario street, Bato.
Kaugnay nito, binigyang linaw ni Mesa na tanging listahan lamang mula sa kanilang tanggapan ang dapat sundin ng mga benepisyaryo. Wala rin umano sa LGU ang pag-identify ng mga benepisyaryo dahil, kung meron mang lista ang mga LGU, galing ito sa kanilang tanggapan.
Dagdag pa ng tagapagsalita, inisyatibo umano ng LGU na tulungan na makapagpatala online ang mga estudyanteng mula sa malalayong lugar na walang internet at hindi maka-access sa kanilang link. Gayunpaman, ipinaalam nito na kung may maipapalabas mang listahan ang kanilang tanggapan ay nangangahulugan itong “clean list” na ito na nabigyan na rin ng schedule.
Samantala, nitong nakalipas na tatlong (3) Sabado na pamamahagi ng educational assistance, nakapagtala na ang kanilang tanggapan ng 15,856 kliyente mula sa Bicol Region na may kabuuang P47,707,000 cash assistance.
Sa lalawigan ng Catanduanes umabot na sa 1,317 ang nabahaginan ng tulong na may kabuuang halaga na umaabot sa P4,571,000.
Ang educational assistance na nasa ilalim ng programa ng DSWD Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) ay layong tulungan ang mga estudyante na nasa krisis o emergency situation. (Richmon Timuat/Bicol Peryodiko)