Virac, Catanduanes – Kinumpirma ni Gobernador Joseph C. Cua na maghahain siya ng mosyon sa desisyon ng Ombudsman hinggil sa shipyard issue.

Ito’y matapos hatulan ang gobernador na guilty sa “service prejudicial to the best interest of the public” na may katumbas na penalidad  na anim (6) na buwang sahod.

Ayon sa gobernador, ang shipyard construction ay isang korporasyon na ang personalidad ay separate and distinct sa mga tao na bumubuo nito. May mga ipipresenta umano silang argumento para ikunsidera ng Ombudsman kung kaya’t naniniwala siyang magiging paborable ang decision ng naturang tanggapan.

Sa hiwalay na panayam nagbigay naman ng reaction ang complainant na si Ginoong Andy. Iginagalang niya umano ang decision ng Ombudsman laban kay gobernador.

Sa Panayam ng Radyo Peryodiko 87.9 DZBP FM, sinabi nito na hindi naman siya natutuwa na malagay sa misfortune ang kanyang kapwa kagaya ng gobernador, subalit dapat magsilbi aniyang aral ito sa mga nanunungkulan sa pamahalaan na sa kabila ng kanilang mataas na position ay dapat sumusunod pa rin sa itinatadhana ng batas.

Andy Po

Dagdag ni Po na wala namang problema kung merong ganitong mga construction, particular ang  “ kinaw” subalit dapat lamang  sumusunod sa environmental compliance certificate at iba pang permiso mula sa mga kinauukulang ahensya at dapat sana makonsulta rin ang mga residente sa naturang lugar.

Muling nilinaw ni Po na walang halong pulitika ang kanyang naging hakbang at ginawa niya lamang ito bilang pribadong indibidwal at maging boses ng mga mamamayan ng Palnab na apektado ng naturang proyekto at walang lakas ng loob na magreklamo.

Sa issue hinggil sa pagkakadismiss sa Anti-Graft case o ang Section 3 ng R.A 3019 o ang Anti Graft and Corrupt Practices Act R.A 3019, Grave Misconduct, Grave Abuse of Authority at violation ng Oath of Office, sinabi ni Po na inihain niya ang  nasabing kaso dahil nasa kalagitnaan ng ECQ pa ang lalawigan na buwan ng Abril taong 2020 ay patuloy ang konstruksiyon habang may restriksiyon. Kung iisipin aniya, dapat ang gobernador ang manguna sa pagsunod sa ipinapatupad ng IATF bilang chairman ng IATF sa lalawigan na siya pa ang nagiging hudyat ng paggalaw ng mga tao.

Samantala, maliban sa naturang issue, nakitaan din ng Ombudsman ng probable cause at maaring sampahan ng kasong criminal ang gobernador dahil sa paglabag sa special laws, partikular sa Sec. 301 in relation to Section 213 ng PD 1096 o ang Building Permit Code at isang count ng paglabag sa Section 96 ng Republic Act 8550 (Fisheries Code) as amended by RA 10654. (FB)

Advertisement