Virac, Catanduanes – Ibinahagi ni Dr. Patrick Alain Azanza ang kanyang mga repormang ipinatupad matapos hirangin bilang ika-pitong pangulo ng Catanduanes State University (CatSU), isang taon na ang nakalilipas.

Kasama sa mga naisakatuparan ang promotion ng mga empleyado bilang motibasyon sa kanilang pamamalagi at dedikasyon sa paaralan, maging ang hiring ng mga bagong empleyado. Kung dati napupunta lamang umano sa savings ang alokasyon para sa mga empleyado o kung hindi man ay naibabalik sa national treasury, sa ngayon naibigay umano ito pabor sa mga empleyado sa pamamagitan ng promotion at hiring.

Naitaguyod niya rin ang “Zero Corruption” sa mga proyekto ng CatSU na naging makontrobersyal sa mga nakalipas na taon. Nailagay sa blacklist ang ilang kontraktor samantalang kaso ang inirekomenda sa ibang may maanomaliyang transaction.

Ikinagagalak ng Azanza administration ang pagkaka-apruba sa CAtSU bilang Economic Zone (ECOZONE) na may layuning makahikayat ng maraming investors at job generations. Hinihintay na lamang ang  nalalabing requirements bago ito maiproklama ng tanggapan ng pangulo ng bansa. Kung dati, 10-15 years umano ang approval ng ganitong proyekto, subalit nagawa niya ito sa loob lamang ng apat na buwan.

Sa academic aspect, may mga bubuksang kurso kagaya ng College of Law (Juris Doctor), Medicine, masteral degree in Nursing, PHD.,  maging ang Open University School program.

Meron na umano silang identified na magiging Dean ng College of Law habang ginagawa na rin ang compliance sa mga requirements kagaya ng mock court,  library para sa Bachelor of Laws at iba pang compliance na hinihingi ng CHED.

Samantala, nais niya umanong makilala ang mga graduates sa CatSU bilang bihasa sa Information Technology para maging globally competitive kung kaya’t magkakaroon ng disenyo sa mga kurso na merong digitalized application.

Masayang inanunsyo ng pangulo ang insentibo sa mga board topnotchers ng paaralan. Limang- pung libu (P50,000) ang ibibigay sa makakakuha ng top 2 hanggang 10 samantalang isang daang libong (P100,000) piso ang matatanggap ng mga estudyante at graduates sakaling makapasok bilang top 1 sa bansa.

Sa kabila nito,  idinepensa naman ni Dr. Azanza ang pagtatayo ng ilang income generating projects sa compound ng CatSU kagaya ng hotel, dormitories at Eco-park. Hindi umano ito kompetensya sa existing business establishments kundi supplement sa ekonomiya at bilang bahagi ng programa na makakatulong sa mga kursong bubuksan sa naturang paaralan. Malayo naman umano sa población ang naturang mga bubuksang business sites na makakatulong maging sa kanilang mga kliyente.

Proud naman ang opisyal sa turn-around time ng mga transactions, partikular sa Office the President.  Ang problema o iba’t ibang concerns sa tanggapan ng pangulo ay kaagad nabibigyan ng kaukulang  solusyon na hindi na kailangan pa ng mga formality measures bago mahanapan ng solusyon.

Ipinagmalaki rin nito ang pinakamahalagang nabago sa customary practice ng paaralan. Kung dati umano masyadong mataas ang sitwasyon ng tanggapan ng pangulo, sa ngayon, kanya umanong ibinaba sa antas ng pagiging empleyado o public servant kung kaya’t hindi niya ginagamit ang pagiging presidente. Ang barrier o gap sa pagitan ng mga empleyado at tanggapan ng pangulo ang kanya umanong isinantabi, alang-alang sa serbisyo publiko.

Sa kabila nito, masaya umano siya sa kolabarasyon ng iba’t ibang tanggapan sa naturang paaralan maging mga political leaders. Ikinagalak niya na hindi nakikiaalam ang mga pulitiko sa pamamalakad, bagkus kapartner umano ang mga ito sa anumang adhikaing matulungan ang mga mamamayan at mapaunlad ang lalawigan ng Catanduanes. (FMB)

Advertisement