Umapela si Provincial Board Member (PBM) Robert A. Fernandez sa tulong ng Sangguniang Panlalawigan sa mga kinauukulang ahensya para bigyan ng alokasyon ang pagtatayo ng river control sa San Miguel, Panganiban, Catanduanes at iba pang barangay sa bayan ng Panganiban.
Sa 23rd Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan noong ika-5 ng Hunyo ipinanukala ng bokal ang halagang P30,000,000.00 sa tanggapan ni OIC-District Engineer Denis Cagomoc ng Department of Public Works and Highways (DPWH- District Engineering Office) Catanduanes upang maproteksyunan ang mamamayan ng Brgy. San Miguel, Panganiban sa panganib na dala ng labis na pag-ulan.
Dahil sa heograpikal na lokasyon nanganganib umano ang buhay at ari-arian ng mga residente lalo na kung merong matinding pag-ulan, na humahantong sa mga pagbaha. Ang kawalan ng flood control ay naglalagay din sa panganib, partikular sa mga imprastraktura tulad ng mga kalsada, tulay, at mga kagamitan ng pamahalaan at nakakaabala sa accessibility para ihatid ang mga basic necessities ng mga mamamayan sa panahon ng emergency situation.
Nauna nang humingi ng kaparehong tulong kay Congressman Eulogio “Leo” R. Rodriguez, ang opisyal sa pamamagitan ng SP Resolution No. 600-2022 noong Agosto 8, 2022 na may kaparehong halagang tatlumpung milyong piso (P30,000,000.00).
Maliban sa San Miguel area, kasali rin sa hiniling ng bokal sa DPWH ang mga proyektong pang-imprastraktura, kasama rito ang 200-lineal meter flood mitigation structure sa katabing barangay ng Mabini, Panganiban, Catanduanes, na may tinatayang P25,000,000.00 at ang 30 milyong piso sa Mabini River Control Structure.
Ang resolusyon ay naglalayon na makakuha ng suporta at agarang aksyon mula sa mga kinauukulang awtoridad upang matugunan ang mahigpit na pangangailangan para sa istraktura ng pagkontrol ng ilog sa lugar upang matiyak ang kaligtasan mga residente at proteksyon sa mahahalagang imprastraktura at mga insidente.(Kap JP)