Virac, Catanduanes – Aprubado na sa Sangguniang Panlalawigan ng Catanduanes ang panukala na malagyan ng “Specialty Center” sa lalawigan ng Catanduanes sakaling ipatupad na ang batas na apruub na sa dalawang kapulungan ng koongreso.
Si Senate President Juan Miguel Zubiri at Sentor Sen. Sonny Angara ang pangunahing sponsor nito sa Senado na may layuning magtatatag ng mga specialty centers—gaya ng Philippine Heart Center, Lung Center of the Philippines, National Kidney Institute, at Philippine Children’s Hospital—sa mga probinsiya, dahil nakikita nila ang pangangailangan sa espesyalistang doktor ng mga pasyente sa malalayo at liblib na lugar.
Magiging malaking ambag nito pagdating sa pagdami ng healthcare workers sa mga kanayunan at probinsya. Ayon kay Senator Sonny, sa halip na magkumpulan ang mga nurses, doktor at specialists sa Metro Manila, maaari na silang manatili sa kanilang mga lalawigan upang makapagbigay ng serbisyong pangkalusugan.
Bilang sponsor ng Universal Healthcare Act, nais ni Senator Sonny na tiyaking available sa lahat ng Pilipino, sa alinmang dako ng bansa, ang lunas na hatid ng mga espesyalistang doktor.
Ang panukala ay isinulong ni Provincial Board Member (PBM) Jose Romeo ‘Sonny’ R. Francisco na kaagad kinatigan ng mga miyembro ng SP nitong 23rd Regular Session, Hunyo 5, 2023.
Ang panukala ni PBM Francisco ay suporta ng tatlo pang panukala na naipasa ng SP. Upang hilingin sa pamamagitan ni Senate President Juan Miguel Zubiri at Committee on Health & Demography Chairperson, Senator Christopher Lawrence Go na lagyan ng nasabing programa sa lalawigan ng Catanduanes.
Binigyang-diin ni PBM Francisco ang kahalagahan ng pagtatatag ng Specialty Center sa lalawigan ng Catanduanes dahil sa heyograpikong lokasyon nito at limitadong access sa mga de-kalidad na serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan. Mula sa populasyon na humigit-kumulang 271,879, batay sa 2020 census, ay maisasaalang-alang ang mga hamon na nakabalangkas sa Seksyon 5(b) ng Regional Specialty Act, nagiging kailangan at kapaki-pakinabang ang pagkakaroon ng Specialty Center sa isla.
“Ang mga kagyat na pangangailangang medikal ng mga Catandunganon, partikular na ang mga emerhensiyang kaso o paggamot na may kaugnayan sa mga sakit sa puso, baga, at bato, ay maaaring matugunan sa pamamagitan ng panukalang ito. Maaari nitong bawasan ang pasanin sa mga pasyente sa mga bayarin sa transportasyon mula sa isla hanggang mainland Bicol,” dagdag ni PBM Sonny Francisco.
Ang Senate Bill 2212 ay ay aprub na sa senado noong Mayo at itinuturing na priority measure sa ilalim ng administrasyong Marcos. Ang panukalang batas ay magtatag ng mga panrehiyong sangay ng mga kilalang institusyong medikal, kabilang ang Philippine Heart Center, National Kidney and Transplant Institute, Lung Center of the Philippines, Philippine Children’s Medical Center, at Philippine Cancer Center.
Ang panukalang batas na ito, ayon kay Senate Pres. Zubiri ay magpapasigla sa pampublikong sistema ng kalusugan na magbibigay daan ng malaking mapagkukunan ng medical resources sa mga ospital ng gobyerno. Isa umanong hakbang ito para sa decentralization ng mga specialty centers sa buong bansa para mapahusay ang serbisyong medikal.
Ang Department of Health (DOH) ay may tungkuling magtatag ng hindi bababa sa isang specialty center sa bawat rehiyon, na nakatuon sa mga laganap na sakit at mga espesyal na pangangailangan ng lugar. Responsibilidad din ng DOH na tiyakin na ang mga specialty centers na ito ay may mahusay na sinanay na mga medikal na espesyalista at makabagong kagamitan.( Kap JP)