Virac, Catanduanes – Nakasungkit ng kampeonato ang San Andres Central Elementary School at Catanduanes National High School (CNHS) sa Elementary at Secondary levels sa katatapos lamang na 2025 Division Schools Press Conference (DSPC) na ginanap sa Catanduanes State University Laboratory Schools noong Enero 17-19, 2025. Ang kanilang tagumpay ay batay sa puntos na kanilang nakuha mula sa mga Individual at Group Events.
Ang kompetisyon ngayong taon ay nagpakita ng mataas na antas ng pagiging competitive ng mga campus journalist. Ipinamalas nila ang kanilang galing sa iba’t ibang larangan ng pamamahayag, mula sa pagsusulat hanggang sa broadcasting.
Sa elementarya, itinanghal ang San Andres Central Elementary School bilang nangungunang paaralan sa elementary level sa Division Schools Press Conference (DSPC) 2025 matapos makapagtala ng 225 puntos. Pumangalawa ang Virac Pilot Elementary School na may 177 puntos, samantalang pumangatlo naman ang Juan M. Alberto Memorial Elementary School na nakakuha ng 175 puntos. Napabilang din sa top 5 ang Palta Elementary School na nasa ika-4 na puwesto na may 135 puntos, at ang Catanduanes State University Laboratory Schools na may 100 puntos sa ika-5 na puwesto.
Ang naturang kompetisyon ay naglalayong kilalanin ang husay ng mga mag-aaral sa larangan ng campus journalism at pagpapabuti ng kanilang kakayahan sa pagsulat at pagpapahayag.
Ang tagumpay na ito ay patunay ng dedikasyon at galing ng mga guro at mag-aaral ng San Andres Central Elementary School, gayundin ng iba pang nagwaging paaralan.
Sa sekondarya, muling pinatunayan ng Catanduanes National High School ang kanilang pagiging pinakamahusay matapos ang 120-puntong lamang laban sa mga second placers na San Andres Vocational School (SAVS) at Pandan School of Arts and Trades (PSAT), na parehong nagtamo ng kabuuang 162 puntos.
Ang SAVS at PSAT ay muling umakyat sa hanay ng mga pinakamahusay na paaralan ngayong taon. Samantala, ang mga paaralan mula sa Viga at Caramoran ay nagtapos bilang third at fourth runners-up na may apat na puntos lamang ang pagitan. Ang host school, Catanduanes State University Laboratory Schools, ay nagtapos sa magic five na may matibay na 138-point finish.
Ayon sa tala ng DASSPA Catanduanes at CAESPA, nasa mahigit 1,500 campus journalists at school paper advisers mula sa iba’t ibang paaralan sa buong probinsya ang dumalo sa nasabing press conference. Nagbigay ito ng pagkakataon sa mga kabataan na maipamalas ang kanilang husay sa pagsusulat at pamamahayag habang pinalalalim ang kanilang kaalaman sa responsableng journalism.
Ayon kay Ricky V. Tid, Pangulo ng CAESPA, hindi naging hadlang ang kakulangan sa pondo upang maisakatuparan ang isang magarbo at makabuluhang programa. Sa tulong ng mga taong may malasakit, naabot ang layunin ng DSPC. Pinuri rin ni Tid ang mga kawani ng Catanduanes State University, sa pangunguna ni Principal Joerandy C. Tablizo, para sa libreng pagpapagamit ng mga pasilidad at ang pagiging bukas-palad sa mga kalahok.
“Wala kaming naibibigay na bayad kundi isang milyong pasasalamat,” ani Tid, na lubos ding pinasalamatan ang SDV Events and Production para sa magarang disenyo ng stage na nagbigay ng masayang mood sa buong programa. Malaki rin ang naging ambag ng mga performers, choir, lectors, seminarista, at mga technical crew sa tagumpay ng selebrasyon.
Sa pagtatapos ng programa, pinangunahan ang awarding ceremony ng iba’t ibang tagapagtaguyod ng campus journalism, kabilang ang keynote speaker Bea Amador at iba pang resource speakers. Pinasalamatan din ni Gng. Gina Pantino, Division Journalism Coordinator ng 2025 DSPC, ang mga nagwagi at hindi nagwaging campus journalists, mga coach, staff, at lahat ng tumulong upang maging matagumpay ang press conference. Nagpasalamat din si Gng. Pantino sa Radyo Peryodiko para sa kanilang pag-cover sa DSPC 2025.
Naniniwala si Gng. Pantino na may kakayahan ang Catanduanes Delegation na magtagumpay sa nalalapit na 2025 Regional Schools Press Conference na gaganapin sa Sorsogon City mula Enero 28 hanggang 31, 2025. Ang tagumpay ng 2025 DSPC ay patunay na sa kabila ng mga hamon, ang pagkakaisa at dedikasyon ay susi sa tagumpay. (Patrick Ian Yutan)