VIRAC, Catanduanes — Nakapasa sa isinagawang licensing audit ng Department of Health (DOH) ang Eastern Bicol Medical Center (EBMC), na nagbigay-daan upang payagan ang ospital na itaas ang bed capacity nito mula 84 patungong 103.
Ayon kay gobernadora Patrick Alain Azanza, ikinatuwa ng pamahalaang panlalawigan ang naging resulta ng audit matapos makita ng mga DOH licensing auditors ang mga repormang unti-unting ipinatutupad sa ospital. Kabilang sa mga napansin ng mga auditor ang malaking pagbabago sa kalinisan at kaayusan ng pasilyo ng ospital na dati umanong puno ng mga kama ng pasyenteng nakahiga sa labas ng mga silid.
Napuna rin ang mga pagpapahusay sa pasilidad ng ospital, kabilang ang paglalagay ng air-conditioning sa Outpatient Department (OPD) at maternity complex, gayundin ang pagkukumpuni at pagpapaganda ng ilang ward rooms sa tulong ng pribadong sektor at mga donors.
Bagama’t aminado ang pamahalaang panlalawigan na hindi pa perpekto ang sistema sa ospital, sinabi ni Azanza na malinaw na nakita ng mga auditor ang mga positibong pagbabago na unti-unting ipinatutupad upang mapabuti ang serbisyo sa mga pasyente.
Gayunman, nananatiling hamon para sa pamunuan ng ospital ang lalo pang pagpapahusay sa emergency services, availability ng mga gamot, at customer service upang higit na matugunan ang pangangailangan ng mga pasyente at kanilang pamilya.
Kasunod ng positibong resulta ng licensing audit, sisimulan na rin ang Phase 1 ng konstruksyon ng bagong gusali ng EBMC bilang bahagi ng patuloy na modernisasyon ng ospital. Kasabay nito, masusi ring nirerebisa ang mga sistema at pamamaraan ng pamamahala sa ospital upang maging mas episyente at maitaguyod ito bilang isang viable economic enterprise.
Nagpaabot naman ng pagbati si Azanza sa mga opisyal at kawani ng EBMC sa pangunguna ni hospital chief Dra. Bessie Zafe para sa kanilang patuloy na pagsisikap sa pagpapabuti ng serbisyo. Hinikayat din niya ang pamunuan at staff ng ospital na manatiling bukas sa mga kritisismo at feedback mula sa mga pasyente at kanilang mga pamilya, na aniya’y mahalagang susi sa patuloy na pagpapahusay ng serbisyong pangkalusugan para sa mamamayan ng Catanduanes. | via Francis Benedict
