VIRAC, Catanduanes — Dumating sa lalawigan ng Catanduanes ang kilalang broadcast journalist na si Karen Davila at television host na si Bianca Gonzales bilang bahagi ng high-level media mission ng United Nations Population Fund (UNFPA) sa Pilipinas kaugnay ng pagdiriwang ng National Women’s Month, na naglalayong itampok ang mga programa ng lalawigan para sa kalusugan, kapakanan, at kapangyarihan ng kababaihan.

Mainit na sinalubong ang dalawang United Nations goodwill ambassadors sa Virac Airport noong Marso 6 ng pamahalaang panlalawigan ng Catanduanes. Pinangunahan ni Patrick Alain T. Azanza ang pagtanggap kasama sina Sinforoso M. Sarmiento Jr. at Provincial Health Officer na si Dr. Hazel Palmes. Nakiisa rin sa pagsalubong ang Catandungan Cultural Troupe mula sa Provincial Tourism Office na nagbigay ng makulay na pagtatanghal bilang simbolo ng mainit na pagtanggap sa mga panauhin.

Bahagi ng kanilang pagbisita ang isang araw na production shoot na layuning maipakita ang mga adbokasiya at inisyatiba ng lalawigan sa Sexual and Reproductive Health (SRH) at ang mga mekanismo ng pagtugon sa Gender-Based Violence (GBV), lalo na sa panahon ng mga sakuna at emergency.

Kaugnay nito, nakipagpulong din si Gonzales sa mga kinatawan ng Rural Health Unit (RHU) at Municipal Health Office ng Virac upang talakayin ang mga programang pangkalusugan na nakatuon sa kababaihan, partikular ang maternal care o pangangalaga sa mga ina bago at pagkatapos manganak.

Sa naturang talakayan, binigyang-diin ang kahalagahan ng pagtiyak na ang bawat ina ay may sapat na suporta, serbisyong pangkalusugan, at dekalidad na pangangalagang medikal upang mapanatili ang kaligtasan ng ina at sanggol. Ayon sa Municipal Health Office, ang ganitong uri ng kolaborasyon at pagbabahagi ng adbokasiya ay mahalaga upang higit pang mapalakas ang mga programang pangkalusugan sa komunidad.

Bahagi rin ng kanilang itinerary ang pagbisita sa Women-Friendly Space (WFS) at sa Rural Health Unit sa Virac, gayundin sa ilang piling lugar sa bayan ng San Andres, kung saan ipapakita ang mga mabubuting praktis ng Catanduanes sa pangangalaga sa kapakanan ng kababaihan at iba pang sektor na itinuturing na vulnerable.

Ayon sa pamahalaang panlalawigan, ang pagbisita nina Davila at Gonzales ay isang mahalagang pagkakataon upang maipakita ang patuloy na pakikipagtulungan ng Catanduanes sa United Nations sa pagsusulong ng mga programang nagtataguyod ng kalusugan, kaligtasan, at dignidad ng kababaihan at kabataang babae, lalo na sa harap ng mga hamon ng kalamidad.

Sa pagtatapos ng mga aktibidad, muling pinagtibay ng mga kinatawan ng lokal na pamahalaan at ng UN ambassadors ang kanilang pangako na patuloy na palakasin ang adbokasiya para sa ligtas na pagbubuntis at panganganak, pagpapalakas sa kababaihan, at pagtataguyod ng mas malusog at inklusibong komunidad sa Catanduanes. | Francis Benedict | photo credit from Catanduanes Tourism

Advertisement
Please enable JavaScript to view comments powered by Disqus.