Virac, Catanduanes – Pormal ng tinanggap ng mga opisyal mula sa tatlong bayan sa lalawigan ng Catanduanes ang sertipiko na nagdedeklara bilang drug cleared barangay.

Sa panayam ng Bicol Peryodiko kay Provincial Director Felix Servita, jr. kinumpirma nitong anim (6) mula sa tatlong bayan sa lalawigan ng Catanduanes ang nalinis na ang pangalan sa droga matapos kilalanin ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Ito ay ang mga barangay ng Salvacion, Osmena at San Lorenzo sa bayan ng Baras kung saan mismong si Mayor Chito Chi ang tumanggap ng parangal. Pinangunahan naman ni Mayor Francisco Camano ang pagtanggap ng parangal sa bayan ng San Miguel kung saan dalawa ang napabilang dito at ito ay ang barangay Obo at Pangilao samantalang barangay San Andres sa bayan ng Pandan.

Ayon sa opisyal marami pa umano silang pinoproseso sa ngayon para mairekomenda sa PDEA mula sa 315 barangay. Pagpapatunay lamang umano itong nagpapatuloy ang kanilang kampanya kasama ang mga local government units laban sa droga.

Una ng inihayag ni gobernador Joseph C. Cua na pangarap umano ng kanyang administrasyon na maideklarang drug free province ang Catanduanes para mabura ang naging pilat sa lalawigan dahil sa kontrobersyal na shabu laboratory sa lalawigan ng Catanduanes.

Sina PD Servita at Gobernador Cua ay kasama sa naturang seremonya sa isinagawang 1st Quarter RPOC Full Council Meeting Cum Awarding Ceremony for Drug Free and Drug Cleared Barangays noong March 23, 2018 sa Ninongs Hotel, Old Albay, Legazpi City.

Advertisement