Virac, Catanduanes – Labing-dalawang (12) resorts sa lalawigan ng Catanduanes ang iniulat ng Environmental Management Bureau (EMB), Regional Office No. V, ang nag-ooperate na walang kaukulang valid permit.
Sa Recreational Water Monitoring Program ng DENR Bicol, ‘No Valid Permit’ on file ang karamihan sa mga resorts sa lalawigan.
Sa ulat ng ahensya, walang Environmental Compliance Certificates (ECC) at Wastewater Discharge Permit ang Cathy’s Spring and Resort na matatagpuan sa barangay ng Sagrada sa bayan ng Viga, ang Twin Rock Beach Resort sa barangay Igang ng Virac, ang Front Beach Resort sa Balite ng Virac, Moonwalk Villa Resort and Inn sa Moonwalk-Calatagan ng Virac, ang Swiss Palawig Resort sa barangay ng Palawig ng Virac at ang Villa Andrea na matatagpuan sa barangay ng Sto. Domingo sa Virac.
Samantala, may ECC ngunit wala umanong Wastewater Discharge Permit ang P. Virac Homes Resort Village Project na pag-aari ng JC Cua Realty sa barangay ng Palnab sa bayan ng Virac, ang Virac Beach Resort sa barangay ng Magnesia na nasa ilalim ng pangalan ng Our Lady Foundation, Inc., Jorge C. Reyes Beach Resort sa Sitio Labanay sa barangay Magnesia na nasa pangalan ni dating Board Member Jorge Reyes at ang Tandu Dive Resort sa barangay ng Marilima na pag-aari ni Lily Co.
Sa kabilang dako, ang Paradise Beach Resort ay mayroong Wastewater Discharge Permit ngunit walang ECC sa record ng EMB, samantalang ang bukod-tanging resort na nagkaroon ng kaukulang dokumento mula sa EMB ay ang Kemji Resort and Restaurant na matatagpuan sa San Isidro Village at pag-aari ni Nancy Cua.
Ang Wastewater Discharge ay ang maruruming tubig na inilalabas ng resort. Para magkaroon ng permit mula sa EMB, dapat mayroon umanong pasilidad ang isang resort sa paglilinis ng kanilang wastewater bago ito tuluyang itapon sa dagat o kung saan pa man. Ito ay upang masigurong walang masisirang ecosystem sa karagatan o mamamatay na mga isda o mga pananim kaugnay ng mga kemikal na maaring taglay ng basurang tubig mula sa mga swimming pool, lavatories, toilets at iba pa.
Ayon sa EMB, nakapaglabas na umano sila ng Memorandum para sa validation ng nasabing mga resort.
Sa talaan ng EMB, may 12 operational resorts sa lalawigan ng Catanduanes. Lima (5) rito ang may ECC ngunit iisa lamang ang resort na mayroong Septic Tank.