Virac, Catanduanes- “Wala yan sa porma, sa sistema yan, kung gusto niyong mawala ang kahirapan baguhin niyo ang sistema”.

Ito ang mga binitiwang salita ni Atty. Neri Javier Colmenares, ang Chairman ng National People’s Lawyers (NUPL) sa kanyang pagdalo sa isang symposium upang talakayin ang mga posibleng epekto ng panukalang shifting of government patungo sa pederalismo sa Immaculate Conception Cathedral sa bayang ito noong Abril 23, 2018.

Sa isang forum na pinangunahan ng Diocese of Virac, tinalakay ni Colmenares ang mga pagbabago sa Konstitusyon sa diskusyon ng pinagkaiba ng mga moralidad sa charter change at pederalismo.

“Hindi konstitusyon ang dahilan ng ating kahirapan, ang kahirapan natin ay dahil walang lupa ang mga magsasaka, mahirap tayo dahil sa kontraktwalisasyon, mahirap tayo dahil sa korapsyon, mahirap tayo dahil sa political dynasty, yan po ang dahilan ng kahirapan natin. Pag ma-solve po ang mga problemang yan, kahit walang cha-cha uunlad ang Pilipinas,” pahayag ni Colmenares.

Sinabi rin ni Colmenares na ang kasalukuyang panukalang charter change ay magbibigay ng pambihirang kapangyarihan kay Presidente Duterte upang kontrolin ang buong gobyerno. Ito rin umano ay magbubukas sa bansa sa transnational corporations at kontrol ng ekonomiya.

Bukod pa rito, ang nasabing panukala rin umano ang magtatanggal sa mga social justice at human rights provisions at magdadambana sa mga self-serving provisions ng saligang batas katulad ng pork barrel kung saan may mga probisyon umano itong maglalaan sa mga distrito ng annual shares ng estado at federal budgets.

Kaugnay nito, plano rin sa nasabing amendment ay ang income tax exemption sa mga top government officials katulad ng president, vice-president, senate president, speaker of the house, chief justice, senators at mga miyembro ng mababang kapulungan na patuloy na tatanggap ng kanilang taunang sahod na kasalukuyang tinatamasa ng mga ito sa oras ng ratipikasyon ng Konstitusyon na walang kahit anong bawas sa kanilang income tax na nakasaad sa Article XVIII, Section 12 Resolution of Both Houses No. 8.

Samantala, nilinaw naman ni Most Rev. Manolo A. Delos Santos, ang Bishop ng Diocese of Virac na ang simbahan umano ay naglalayon lamang na imulat ang mga tao at walang kinakatigang kampo.

“As people, to think of responsibility over the issues affecting us in Catanduanes is our own responsibility. We exercise the office of the church to educate”, paglinaw ng obispo.

Patuloy ring ipinaalala ni Colmenares ang importansya ng edukasyon na mayroon umanong mahalagang papel sa pagpapaunlad ng nasyonalismo at patriyotismo ng mga Pilipino. Sinabi rin ng panauhin sa mga estudyanteng dumalo sa forum na mayroon umano itong kapangyarihan na ipaliwanag ang cha-cha sa ibang tao.

Suhestiyon naman sa organizer ni Rev. Fr. Laudemer Jose A. Gapaz, ang parish priest ng Lictin, San Andres, Catanduanes na gumawa ng position paper na i-address kay Congressman Cesar V. Sarmiento upang ipaliwanag ang posibleng kahinatnang dulot ng pederalismo at upang malaman kung talaga bang nirerepresenta nito ang sentimyento ng mga Catandungeňo.

“Presidents come and go. In the near future mawawala rin yan, pero pag pinalitan natin ang konstitusyon. This will be here for so many, many, many years. Condemning our children to eternal poverty. Let us not exchange the future of our children to our loyalty to a temporary president.” Ang pahayag ni Colmenares sa pagtatapos ng diskusyon.

Kaugnay nito, sinabi naman ni Rev. Fr. Nestor Buena sa mga partisipante na narinig umano ng Obispo ang kwento ni Atty. Colmenares at sinabihan itong imbitahan ang nasabing panauhin upang ipahayag ang mga bagay na kailangang malaman sa lalawigang ito, ang kwento ng mga tao na nagsusumikap para sa isang makatarungan at patas na pamumuhay ng Pilipino.

Nagsilbi namang panelist ng nasabing forum sina Rev. Fr. Joseph Rey Villamartin, Rev. Fr. Nestor Buena, Engr. Fernan Gianan at Ms. Edna Bagadiong. Ang nasabing pagpupulong ay dinaluhan ng mga pari, government officials, mga seminarista, mga katekista, lectors at commentators, mga guro, missionaries, mga miyembro ng barangay pastoral council at barangay youth pastoral forum mula sa iba’t-ibang parokya at mga estudyante mula sa iba’t-ibang paaralan sa lalawigan.

Matatandaang, inimbitahan ni Congressman Cesar V. Sarmiento si Atty. Jonathan Malaya, ang assistant secretary ng Department of Interior and Local Government (DILG) upang talakayin ang mga katangian ng pederalismo sa Catanduanes State University noong Pebrero 2018. (GO Info Unit/RD4)

Advertisement