Virac, Catanduanes – Mistulang dinepensa ni Provincial Tourism Officer Carmel Garcia ang mga resorts owners na sinasabing nag-ooperate na walang kaukulang valid permit mula sa DENR.

Sa panayam ng Radyo Peryodiko, sinabi ni Garcia na dapat noon pa nasita ng DENR ang mga ito dahil isa ito sa mga basic requirements sa pag-aplay ng business permit maging sa Local Government Unit pa lamang.

Matatandaang, 127 na mga resorts sa buong rehiyon ang ibinulgar ng DENR Environmental Management Bureau (EMB) na walang kaukulang Environmental Compliance Certificate (ECC) maging waste disposal system. Mula sa kabuuang 127, umaabot sa labing dalawa (12) ang mula sa lalawigan ng Catanduanes.

Samantala, hindi pa malinaw kung isasailalim sa closure ang mga ito o anong penalidad ang ipapataw. Nag-apela si Garcia sa DENR na bigyan ng konsiderasyon ang naturang hakbang lalo pa’t panahon ngayon ng pagdagsa ng mga turista. Wala rin umano sa kanilang requirements ang ganitong hakbang dahil concern lamang nila ang pagiging ready sa mga basic necessities pabor sa mga turista at ang pagiging tourism friendly ng mga ito.

Samantala, pinaghahandaan umano ng lokal na pamahalaan sa ngayon ang pagdagsa ng mga turista sa lalawigan lalo na ang isasagawang 3rd ng Abaca Festival coincide ang festival of festivals kung saan umaaabot sa humigit kumulang 10 mga delegado mula sa iba’t ibang lalawigan sa rehiyon. Kinumpirma ng opisyal na dalawa ang panlaban ng lalawigan sa naturang festival. Ito ay ang sugbo festival ng Caramoran at Abaca group sa bayan ng Virac.

Kinumpirma rin ng opisyal ang pagdagsa ng tourist arrivals ganundin ang sunod-sunod na regional conventions sa lalawigan ng iba’t ibang ahensya at organisasyon. Kasali rito ang Regional Conventions ng mga prosecutors, amateur radio clubs at iba pang ahensya. Dito rin sa lalawigan ng Catanduanes dumaan ang umaabot sa labing anim na mga regional directors ng Department of Tourism sa bansa sa pangunguna ni Regional Director Benjie Santiago. Ang grupo ng mga ito ay nagtungo sa Caramoan Peninsula partikular sa sikat na rock formations.

Dahil dito, inaasahan umano ng provincial tourism na sa susunod na tatlong taon ay mas pang tataas ang tourist arrivals dahil sa patuloy na nakikilalang magagandang tourists spots sa lalawigan. Nagiging choice destination na rin umano ang Catandunaes sa mga conferences dahil unti-unti na ring nag level up na mga establishments lalo na sa mga hotels and restaurants dahil sa mga additional players. (Francis Benedict)

Advertisement