Si PBM Wong sa kanyang pormal na panunumpa bilang miyembro ng Nationalista Party, kasama ang kanyang ina na si dating gov. Cely Wong at JB

Pandan, Catanduanes – Pormal nang nagdeklara ng kanyang candidature bilang kongresista sa lalawigan ng Catanduanes si East District Board Member Joseph Al-Randie Wong.

Ang deklarasyon ay isinagawa ni PBM Wong sa harap ng daan-daang tao na dumalo sa Official Ball sa bespera ng Patron Saint de Loyola sa bayan ng Pandan.

Ayon sa kanya, ang bayan ng Pandan ang naging instrumento sa kanyang pagpalaot sa mundo ng pulitika kaya’t marapat lamang umano na dito siya maglahad anuman ang kanyang mga plano para sa hinaharap.

Matatandaang buwan ng Abril nang unang magparamdam si dating Gobernador Araceli B. Wong ng plano para sa pulitika, kung saan sinabi nitong meron umanong Wong na kakandidato sa 2019. Subalit sa press conference na ipinatawag ni PBM Wong nitong Hulyo 31, malungkot nitong inilahad ang kalusugan ng dating gobernador kung kaya’t siya umano ang kinukunsidera ng pamilya para tumakbo sa nasabing posisyon.

“I knew Mom always dreamed to be part of Congress, pero mas mahalaga ang kalusugan niya para sa amin kaya’t desisyon ng pamilya na ako ang tutupad sa pangarap ng nanay ko,” wika ng bokal.

Samantala, kabuhayan para sa mga maralitang Catandunganon ang sentro ng misyon ni PBM Wong sakaling maupo siya sa kongreso. Ayon sa kanya, hindi umano sapat ang mga infrastructure projects upang masabi na lumalago ang isang lugar. Tahasan niyang sinabi na hindi umano balanse ang nakukuhang biyaya ng Catanduanes. Maliban sa mga tulay at kalsada, kailangan din umano ng bawat mamamayan ng Catanduanes ang pagkain at mga silid-aralan.

“Para sa akin dapat kasamang pinauunlad ang kabuhayan ng bawat pamilya,” paliwanag ni Wong. “I was always fascinated with the life my Mom has led, na ang ibig sabihin, hindi maghihirap ang sinuman kung may tiyaga at nagsisikap. However, the government should always be there para maging gabay sa kanilang pag-unlad”, paglalahad nito.

Samantala, nito lamang huling araw ng Hulyo, pormal ng nanumpa bilang kasapi ng Nacionalista Party si PBM Wong, ang partidong pinamumunuan ni Sen. Cynthia Villar. Ayon sa kanya, sa ngayon ay wala pa umano siyang kompletong lineup, particular sa magiging gobernador at sa iba pang position. (JOLLY ATOLE)

Advertisement