Virac, Catanduanes – Dalawampu (20) sa mahigit tatlong-daang barangay ang pormal ng naideklarang drug-cleared barangays ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa lalawigan ng Catanduanes.
Sa datos na ipinalabas ng PNP Provincial Police Office na may petsa July 30, 2018, umaabot na sa 237 sa 315 na barangay sa Catanduanes ang apektado ng droga, samantalang 78 naman ang hindi kailanman napasok ng nasabing salot.
Samantala, mula sa 237 apektadong barangay, 116 ang tinaguriang slightly affected, 101 ang moderately affected habang iisa lamang ang isinailalim sa seriously affected.
Pagkaraan ng masusing ebalwasyon ng PDEA katuwang ang iba pang ahensiya ng gobyerno, idineklara ang mga sumusunod na barangay bilang drug-cleared: Quezon (Bagamanoc), San Lorenzo, Osmeña at Salvacion (Baras), Mabini (Caramoran), Dororian (Gigmoto), San Andres (Pandan), Sta. Cruz, Rizal, Yocti, Carangag at Puting-Baybay (San Andres), Obo, Pangilao, Buhi at Progreso (San Miguel), Magnesia del Sur, Balite, Pajo Baguio at F. Tacorda (Virac).
Batay sa tala ng pnp sa mga munisipalidad, lumalabas na nagpapatuloy pa rin ang aktibidad ng ilang sangkot sa droga. Sa Bagamanoc, mula sa kabuuang 18 barangay 13 dito ang drug affected samantala mula sa 29 barangay ng Baras 21 dito ang apektado. Sa 27 barangay ng Bato ang 17 dito ang drug-affected habang 20 naman mula sa 27 barangay ng Caramoran ang apektado ng droga at siyam (9) na barangay naman Gigmoto, 18 ang drug-affected sa 26 barangay ng Pandan, 21 sa 23 barangay ng Panganiban, 31 sa 38 barangay ng San Andres, 18 sa 24 barangay ng San Miguel, 21 sa 31 barangay ng Viga at 48 sa 63 barangay ng Virac ang sinasabing apektado.
Ayon kay PNP-Provincial Director SSUPT Felix Servita, patuloy ang isinasagawang proseso para sa deklarasyon ng iba pang mga barangay. Binanggit niyang mahigpit at nagiging maingat ang otoridad sa isinasagawang assessment at evaluation kaya hanggang sa ngayon ay kakaunti pa lamang ang naidi-deklarang drug-cleared sa lalawign ng Catanduanes.
Matatandaang isa sa mga pangunahing pangarap ni gobernador Joseph Cua na maideklarang pinakaunang drug free province ang lalawigan ng Catanduanes. Ito ay sa kabila ng pagkakakaladkad ng barangay Palta sa bayan ng Virac matapos madiskubre ang tinaguriang mega shabu laboratory sa rehiyon.
Kamakailan lang, pormal ng ibinasura ng Ombudsman ang kasong isinampa ng ilang grupo laban kina gobernador Cua at Mayor Sammy Laynes matapos iugnay ang dalawang opisyal sa pagkakadiskubre ng naturang shabu laboratory sa lalawigan ng Catanduanes.