Virac, Catanduanes – Iginiit ng dating gobernador na may bahid ng pulitika ang muling pagsasampa ng shabu laboratory cases laban sa kanyang pamilya at iba pa kasama na ang star witness sa kaso.
Sa isang eksklusibong panayam ng Radyo Peryodiko, tahasang sinabi ni dating gobernador Araceli B. Wong na may pulitika umano sa pagkakabuhay ng mga kaso tungkol sa shabu lab at sa muling pagkakadawit sa pangalan ng kanyang mga anak.
“Kasi, ang akala ay matanda na ako at ang aking mga anak ay kaya nilang talunin. Ang hindi nila alam, bumalik na ang aking lakas kaya ngayon ay nag-aabala sila para ako sirain,” ang pahayag ng dating gobernador.
Matatandaang, noong nakaraang taon nang lumutang ang maskaradong saksi na si Ernesto Tabor at marami itong idinawit na mga pangalan sa operasyon ng natuklasang shabu lab kabilang na sina PBM Joseph Wong at Jardin Wong. Sa salaysay ni Tabor, nagsilbi umanong financier ng shabu lab operation si Jardin Wong samantalang naging distributor naman ng droga si PBM Wong.
Ngunit noong Pebrero, lumabas ang rekomendasyon ng Department of Justice (DOJ) Prosecutors na nagpapawalang-sala sa magkapatid na Wong gayundin sa mga iba pang pangalan na idinawit kagaya nina Angelica Balmadrid, Allan Ang Hung, Noel Sampag, Snookie Imperial, Caramoan Mayor Cordial at iba pa. Subalit kalaunan ay bumitiw sa kanyang tungkulin si DOJ Secretary Vitraliano Aguirre na hindi na-review at na-confirm ang nasabing rekomendasyon kaya sa pag-upo ng bagong kalihim ay nagkaroon ng automatic review sa mga kasio.
Ang kaso ng shabu lab ay napunta kay DOJ Under Secretary Emmeline Villar for review, at sa review resolusyon ng nasabing kalihim na inilabas noong Nov. 14., binago nito ang naunang review kasunod ng pag-aatas sa prosecutor na isampa na ang impormasyong conspiracy to trade dangerous drugs laban kina PBM Wong, former Albay Board Member Nino ‘Snookie’ Imperial at isang hinihinalang drug trader na si Jun Rance.
Isinama rin sa pinakakasuhan sina Angelica Balmadrid-Isidoro, Atty Ulpiano Sarmiento III, Jardin Wong, former Caramoan Mayor Constantino Cordial, Alan Ang Hung, Lorenzo ‘Bigik’ Pinera IV at ang maskaradong witness na si Tabor bilang umano’y magkakasabwat sa manufacturing ng ipinagbabawal na droga.
Ngunit ayon sa dating gobernador, ang pagdadawit umano sa pangalan ng kanyang mga anak ay paglilihis sa katotohanan sa operasyon ng shabu lab. Ang mainam dito, ayon pa sa matandang Wong, baka sa kanilang pakikipaglaban sa katarungan ay lumitaw ang mga imahe ng totoong mga sangkot sa shabu lab.
Nakapaghain na umano ng legal remedies ang kanilang mga abogado at nanawagan din siya kay Ernesto Tabor na sabihin na kung ano talaga ang totoo.
“Dahil ako ay hindi titigil hangga’t hindi napaparusahan ang totoong may mga pananagutan,” ayon kay ex-Gov. Wong. “I want shabu lab cases be resolved right kaya hanggang kay Presidente ay nakapagpadala na rin ako ng mensahe, pahayag pa nito.”
Nanawagan din ang dating gobernador sa kanyang mga supporters na maging kalmado at huwag mag-alala dahil malalampasan din umano ng kanyang pamilya ang pinagdadaanang pagsubok.